Oil firms magpapatupad ng taas-presyo bunsod ng dagdag-buwis sa langis

ABS-CBN News

Posted at May 26 2020 02:23 PM | Updated as of May 26 2020 06:22 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Naghahanda na ang mga oil firm na magpatupad ng taas-presyo sa kanilang mga produkto bunsod ng pagpataw ng goyerno ng dagdag na buwis sa imported na langis.

Naging epektibo noong Mayo 2 ang 10 porsiyentong import duty sa langis, na ipinatupad ng gobyerno para makalikom ng pondong gagamitin sa laban kontra COVID-19.

Iba-iba ang pagtataya ng mga kompanya ng langis kung magkano ang magiging taas-presyo bunsod ng dagdag-buwis.

May mga oil firm na nagsasabing naglalaro sa P0.85 hanggang P1 ang taas-presyo sa kada litro ng gasolina at diesel habang ang iba’y nagsasabing nasa P1.20 hanggang P1.40 ito.

Sa tantiya naman ng Department of Energy (DOE), maglalaro sa P0.92 hanggang P1.40 kada litro ang magiging taas-presyo, na maaaring ipatupad sa susunod na linggo.

Tiniyak naman ng DOE na obligado ang mga kompanya ng langis na ihiwalay ang dagdag-presyong dulot ng buwis at taas-presyo dahil naman sa pagmahal ng imported na produktong petrolyo.

Naging epektibo ngayong Martes ang bagong taas-presyo sa petrolyo. Ito ang ikatlong sunod na linggong nagkaroon ng oil price hike.

Samantala, sa kabila ng mga taas-presyo, ramdam pa rin ng mga gasolinahan ang negatibong epekto ng lockdown – na ipinatupad para makontrol ang pagkalat ng COVID-19 – sa kanilang mga negosyo.

Sa isang Unioil gas station sa Quezon City, halimbawa, bumaba sa 5,000 litro ang naibebenta nila kada araw mula sa dating 13,000 litro kada araw dahil mas kakaunti na ang nagpapagasolina.

Nangangamba ang ilang trabahador ng gasolinahan na baka mawalan sila ng trabaho kapag nagpatuloy pa ang lockdown. -- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.