Globe: Isyu sa Huawei, 'di dapat ipangamba

ABS-CBN News

Posted at May 25 2019 03:07 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Pinawi ng Globe Telecom ang agam-agam ng customers nitong gumagamit ng Huawei matapos na i-blacklist ng United States ang kumpanya.

Ayon kay Yolly Crisanto, tagapagsalita ng Globe Telecoms, ang usapin ay "between two countries: US and China."

"Kailangan ba silang mangamba? Ang sagot po doon ay hindi po," sabi ni Crisanto.

"Kasi naglabas na rin po ng statement ang US Department of Commerce at naglabas naman din ng statement ang Huawei mismo na kung kayo po ay gumagamit ng Huawei device ngayon, wala naman pong impact sa ating lahat na gumagamit ng Huawei," sabi niya.

Kamakailan ay sinuspinde ng Google ang software at hardware transfers sa Huawei, alinsunod sa pagblacklist ng US government sa kumpanya. Ito ay hakbang ng US government para protektahan sa posibleng banta ang kanilang national security.

Paliwanag ni Crisanto na isa lamang ang Huawei sa kanilang mga supplier na nagbibigay ng imprastruktura.

"Binibili po natin 'yan kasi nakita po natin na mas advance teknolohiya nila, maganda yung kanilang serbisyo kaya sila yung kinuha nating supplier. Pero pagdating sa seguridad ng ating network, kami po 'yun. That is a Globe responsibility," sabi niya.

Aniya, kasama sa responsibilidad na ito ang pangangalaga sa seguridad ng customers sa paggamit ng network ng Globe.

"Wala pong kinalaman doon ang Huawei," sabi niya.

Idinagdag pa ni Crisanto na padating pa lang sa Pilipinas ang 5G.

"Nag-announce na po kami, nagbigay na kami ng statement na darating po ito ng June sa atin. Ito po ay hindi pang-mobile. Ito po ay pambahay, yung tinatawag na fixed wireless yung DSL line sa bahay," sabi ni Crisanto.

Tiniyak din niya na nagpapatuloy ang kumpanya na mas lalong mapabuti ang serbisyong ibibigay sa kanilang mga kliyente.

"This 2019 alone, mahigit $1-B ang gagastusin ng Globe para mas maging maganda yung network, para mas maging maganda yung security---lahat," sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.