Umento, isinusulong kasabay ng sunod-sunod na taas-presyo

ABS-CBN News

Posted at May 24 2018 09:22 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Iginiit ng isang labor group na panahon na para muling pag-usapan ang umento para sa mga manggagawa sa harap ng sunod-sunod na pagtataas ng presyo ng petrolyo at iba pang pangunahing bilihin.

Inuudyukan ngayon ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) ang gobyerno na magkaroon ng emergency meeting para talakayin at magtakda ng panibagong dagdag-sahod.
    
"Dahil po ito [ay] extraordinary situation and supervening, nagkaroon na po ng pagtaas ng presyo ng bilihin at services, nakaambang petition para dagdag na pamasahe sa jeepney...Pagtataas sa presyo ng mga bigas at isda sa mga palengke, sa presyo ng kuryente at tubig...Nagkaroon din ng nakatakadang pagtataas sa tuition fee," ani Alan Tanjusay, tagapagsalita ng labor group. 

Anila, kailangan ng P1,200 kada araw para mabuhay nang marangal ang isang pamilya na may limang miyembro.

Base sa nakalap na datos ng data analytics team ng ABS-CBN News, Oktubre 2017 nang huling magkaroon ng umento sa sahod.

Noong panahon na iyon, ang presyo pa ng gasolina ay P47.10 at P34.15 naman ang diesel.

Sa ngayon ay naglalaro na sa P41.70-P55.12 ang presyo ng petrolyo.

    Ayon sa labor group, puwede naman daw putulin ang tinatawag na "prescriptive period" na nagsasabing kailangan palipasin ang isang taon bago magtakda ng pagtaas muli ng sahod.

Ipinapanawagan din nila na ipantay ang sahod sa Metro Manila at sa ibang bahagi ng bansa dahil ang presyo ng mga bilihin ay hindi naman nagkakalayo.

"Sa probinsiya mas mataas pa ang langis. Pareho lang ang bigas sa Maynila at probinsiya. Maliit na nga suweldo," paliwanag ni Gie Estrada, isang manggagawa sa agrikultura. 

    
--Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.