ABS-CBN News/file
MANILA — Nakumpiska ng Bureau of Customs (BOC) ang iba't ibang pekeng branded products tulad ng sapatos, damit, at iba pa na may halagang lagpas P600 milyon, sa magkakahiwalay na operasyon sa Bulacan at Cavite kamakailan.
Unang nagkasa ng operation ang BOC sa isang warehouse sa Balagtas, Bulacan.
Nakumpiska nila rito ang iba't ibang klase ng mga pekeng produkto gaya ng rubber shoes, motorcycle accessories, gulong, helmet, at iba pa.
Ayon sa BOC, kinumpiska nila ang mga produkto matapos mabigong magpakita ang mga may-ari ng kaukulang permit o dokumento para sa mga binebenta nilang produkto.
Sa Bacoor City, Cavite naman, nasa P590 milyong halaga ng counterfeit goods ang nasamsam.
Nakasilid sa dalawang malaking container ang mga pekeng branded products gaya ng cellphone, power tools, bags at iba pa.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Intellectual Property Code of the Philippines (Republic Act 8293) at Customs Modernization and Tariff Act (Republic Act 10863) ang mga nahuling may-ari ng mga nasabing produkto.
— Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.