Ilang gasolinahan, ininspeksiyon kung tama at sapat ang pagkarga ng langis

ABS-CBN News

Posted at May 23 2018 06:20 PM | Updated as of May 23 2018 08:51 PM

Sinuyod nitong Miyerkoles ng mga tauhan ng Department of Energy (DOE) ang ilang gasolinahan sa Metro Manila para tiyakin ang kalidad at kung tama ang dami ng ikinakargang petrolyo sa mga sasakyan.

Kabilang sa mga pinuntahang gasolinahan ng mga kawani ng DOE ang isang istasyon ng Shell sa may Shaw Boulevard, Mandaluyong City.

Tiningnan ng DOE kung naaayon ang mga kinuha nilang sample ng langis sa kalidad na itinakda ng Philippine Clean Air Act at Biofuels Act.

Sinukat din ng DOE kung tama ang volume ng produkto na lumalabas sa pumps at ikinakarga sa mga sasakyan ng mga motorista.

Hindi kasi matiyak ng mga motorista, halimbawa, kung 10 litro nga ba ang ikinarga kung pang-10 litro ang binayaran, kaya dapat umano ay calibrated ang pumps.

Sunod namang ininspeksiyon ang isang istasyon ng Phoenix Petroleum, at istasyon ng Uno Fuel na kilalang mura ang bentahan ng diesel at gasolina. 

Samantala, nagbabadya namang magkaroon ulit ng dagdag-singil sa langis sa susunod na linggo, batay sa unang dalawang araw ng trading kung saan lumabas na lalong nagmahal ang imported fuel.

Pero maaari pang magbago ang galaw ng presyo depende sa bentahan sa pandaigdigang merkado hanggang Biyernes.

Watch more in iWant or TFC.tv

Inamin naman ni Renante Sevilla, head ng retail market monitoring sa DOE, na wala silang magawa para pigilin ang pagtaas ng langis dahil inaangkat lang ito.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.