Meralco nagpayo: Hintayin ang bagong hatian ng bill ngayong lockdown bago magbayad

ABS-CBN News

Posted at May 22 2020 05:31 PM | Updated as of May 22 2020 06:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Pinayuhan ng Meralco ang mga konsyumer na hintayin ang pagdating ng bagong bill kung saan nakahimay ang hatian ng mga natenggang bayarin sa loob ng lockdown period.

Kasunod ito ng mga napapabalitang sipa sa bill ng ilang konsyumer na itinuturo sa naipong bayad sa gitna ng lockdown, bagay na nagdulot ng kalituhan sa ilang kustomer.

"Kasi mag-e-even out naman 'yan para mas klaro kung ano lang ang puwedeng bayaran sa ngayon at sunod na buwan," ani Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga.

Magiging batayan sa paghati ng bill ang February 2020 bill. Kung hanggang 200 kilowatts per hour ang konsumo noon, hahatiin sa anim ang lahat ng bill sa quarantine period: mula Hunyo 15 hanggang Nobyembre 15.

Kung lagpas 200 kilowatts per hour naman ang February bill, apat na hati lang ang natenggang bills na babayaran mula Hunyo 15 hanggang Setyembre 15.

Alinsunod ito sa utos ng Energy Regulatory Commission na maglabas ng hiwalay na hatian para sa mga natenggang bill ngayong lockdown.

Kamakailan ay naging viral ang ilang reklamo sa bill ng Meralco na umano'y sumipa ang singil pagdating ng quarantine.

May ilan din na hindi pa umano dumarating ang bill ng kuryente matapos umarangkada ang lockdown sa mga lugar na sineserbisyuhan ng Meralco.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.