Kailan dapat bayaran ang bill sa tubig para hindi maputulan?

ABS-CBN News

Posted at May 22 2020 02:07 PM | Updated as of May 22 2020 02:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tinalakay ng Manila Water Co at Maynilad Water Services Inc ngayong Biyernes kung kailan dapat magbayad ang kanilang mga kustomer upang maiwasang maputulan ng tubig.

Para sa Manila Water customers, kailangan agad na mabayaran ang mga bill na inilabas bago mag-enhanced community quarantine o ECQ ang Luzon noong Marso, sabi ng tagapagsalita ng kumpanya na si Jeric Sevilla.

"Iyong mga bills po before ECQ, iyan po ay dapat kumbaga, pay immediately... for pre-ECQ bills po, iyon ay maaari pong i-disconnect na natin kasi po for the longest time, due na po siya," sabi niya sa panayam ng DZMM.

Mayroon naman aniyang hanggang Agosto 31 ang low-income customers ng Manila Water para bayaran ang kanilang lockdown bills.

"Ang simula po ng pagpuputol, if ever na hindi makabayad, ay Sept. 1," sabi niya.

Magsisimula naman sa Agosto 1 ang posibleng disconnection para sa ECQ bill ng mga hindi low-income customers.

Para sa mga katanungan sa bill, maaari aniyang tumawag sa hotline
1627, magpadala ng mensahe sa Manila Water social media accounts o mag-register para makatanggap ng text alerts.
 
Mayroon namang hanggang Agosto 31 ang Maynilad customers para bayaran ang konsumo noong ECQ na isasama sa susunod na bill, ani Corporate Communications Head Jennifer Rufo.
 
"Mas marami ang low-income sa aming customer base sa Maynilad kaya ito na lang ho siguro ang maibibigay naming tulong sa aming customers," sabi niya sa hiwalay na panayam ng DZMM.

"At any rate, mag-o-offer pa rin kami ng kahit paunti-unting hulugan po," dagdag niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.