Hatian ng bayarin sa kuryente habang lockdown pinahaba para sa ilang konsyumer: ERC

ABS-CBN News

Posted at May 21 2020 05:49 PM | Updated as of May 21 2020 08:15 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Pinahaba pa ang hatian ng mga naipong bill, partikular na sa mga mababa lang ang konsumo sa kabuuang quarantine period, ayon kay Energy Regulatory Commission chair Agnes Devanadera, na nagsabing nakatakda silang maglabas ng utos para pormal na itong mapatupad. 

Sa ilalim ng bagong patakaran, ihihiwalay na ang bill sa konsumong sakop ng community quarantine mula Marso 16 hanggang Mayo 30, 2020. 

Ang may konsumong hanggang 200 kilowatts per hour lang noong Pebrero na pumatak sa March bill, hahatiin na sa anim na buwan mula June 15 hanggang November 15 ang kaniyang naipong bill sa loob ng mula Marso hanggang katapusan ng Mayo. 

"Siyempre tinitingnan natin ang capacity ng consumers. Kung ikaw ay ang kunsumo lang mga 200 and below at walang public transportation, saan ka kukuha ng pambayad?" dagdag niya.

Halimbawa, kung ang lumabas na konsumo sa loob ng quarantine period ay P6,000, hahatiin ito sa 6 o tig-P1000 na bayarin hanggang Nobyembre 15. 

Ang mahigit 200 kilowatts per hour ang konsumo noong Pebrero, magiging apat na hati ang naipong bill sa loob ng quarantine period mula Hunyo 15 hanggang Setyembre 15, 2020. 

Samakatuwid, ang unang bill na hinati sa apat o anim na buwan ay magsisimula sa Hunyo 15. 

Ang regular bill naman na parating sa Hunyo hanggang katapusan ng buwan, lahat ang due date para mabigyan ng sapat na panahong bayaran ang mga naipong bill ngayong quarantine. 

"When we compare the ECQ and the MECQ, actually they have very little difference. Under both situations there is no access to public transportation so in the mind of the commission, the daily wage earners, the informal sector are stiil not able to be gainfully employed," ani Devanadera. 

Hihintayin na lang ng Meralco ang pormal na utos, pero susunod sila sa bagong patakaran. 

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.