Bawas-presyo sa LPG sa Hunyo inaasahan

ABS-CBN News

Posted at May 21 2019 08:12 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Namumurong magkaroon ng bawas sa presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) sa Hunyo dahil sa pagbagsak ng presyo nito sa pandaigdigang merkado.

Nasa $90 kada metriko tonelada ang ibinagsak ng presyo ng LPG ngayong Lunes sa pandaigdigang merkado o katumbas ng P5.20 kada kilo.

May 10 araw pa bago lumabas ang final contract price.

Kumpiyansa naman si South Pacific Inc. president at chief executive officer Jun Golingay na bababa ang presyo ng LPG.

"Ako sigurado ako sa pababa, definite 'yong pababa," ani Golingay.

"We expect prices to go down most likely between $70 to $90, around P3.50 to P5," ani Golingay.

TAAS-PRESYO SA PETROLYO

Nagbabadya mang bumaba ang LPG, tumaas naman ngayong Martes ang presyo ng produktong petrolyo.

Nasa P0.80 ang dagdag sa presyo ng kada litro ng diesel, P0.90 sa gasolina, at P0.75 sa kerosene.

Mula Enero hanggang Mayo 21, P9.74 na ang kabuuang taas-presyo sa kada litro ng gasolina, P8.44 sa diesel, at P5.72 sa kerosene.

Samantala, mag-uusap na ang Department of Energy (DOE) at Philippine Competition Commission para maplantsa ang utos na "unbundling" o paghimay sa presyuhan ng petrolyo. 

Nanindigan ang DOE na hindi nila ibubulgar ang "price components" ng kada oil company dahil ang ibibigay lang sa konsumer ay iyong pangkalahatan para sa buong industriya.

Sa pagtaya ni Energy Secretary Alfonso Cusi, matatapos ang konsultasyon ukol sa unbundling sa katapusan ng Mayo.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.