ALAMIN: Dagdag-singil sa petrolyo simula Martes

ABS-CBN News

Posted at May 21 2018 02:30 PM | Updated as of May 21 2018 09:04 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Magkakaroon ng dagdag sa presyo ng produktong petrolyo simula Martes, ayon sa anunsiyo ng ilang kompanya ng langis nitong Lunes.

Sa abiso, P1.60 ang dagdag sa kada litro ng gasolina, P1.15 sa kada litro ng diesel, at P1 naman sa kada litro ng kerosene.

Ito ang ikalawang sunod na linggong nagkaroon ng pagtaas sa presyo ng petrolyo.

Noong nakaraang linggo ay higit P1 ang naging dagdag sa mga presyo ng diesel at gasolina.

OIL PRICE HIKE 

Shell, Flying V, Caltex, SEAOIL (Martes, 6 a.m.)
GASOLINE +P1.60/L
DIESEL +P1.15/L
KEROSENE +P1.00/L

PTT Philippines, TOTAL, Phoenix Petroleum (Martes, 6 a.m.)
GASOLINE +P1.60/L
DIESEL +P1.15/L

'WALANG MAGAGAWA'

Ayon kay Rodela Romero, assistant director ng Oil Industry Management Bureau, hindi mapipigilan ng gobyerno ang pagmahal ng langis kung bunga ito ng pagmahal ng langis sa pandaigdigang merkado.

"Kung ang reason for increase is the international development because of the supply disruption 'tsaka 'yong kaguluhan doon kaya nagkaroon ng supply disruption, si DOE (Department of Energy) walang magagawa," aniya.

Hinamon naman ni Laban Konsyumer president Vic Dimagiba ang DOE na araw-araw bantayan kung tama ang timbang ng produkto sa mga gasolinahan.

"Gumawa sila ng malawakang inspeksiyon ng kanilang mga gasolinahan nang sa ganoon, malaman natin kung tama sa sukat ang binibiling gasolina ng consumers," ani Dimagiba.

Dahil ramdam na ng ordinaryong Pinoy ang epekto ng mas mahal na petrolyo, nanawagan naman si Sen. Sherwin Gatchalian sa gobyerno na maghanda na sa posibilidad na umabot ng $100 kada bariles ang krudo.

Noong nakaraang linggo, nasa $77 kada bariles ang krudo.

Kapag nag-average ng $80 sa loob ng tatlong buwan, doon lang isususpende ang excise tax sa imported na petrolyo.

-- May ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.