Price freeze sa LPG at kerosene, pinapatupad sa ilang lugar sa E.Samar

ABS-CBN News

Posted at May 20 2020 07:00 PM

MAYNILA - Ipinatupad ng Department of Energy nitong Miyerkoles ang price freeze sa LPG at kerosene sa ilang lugar sa Eastern Samar na lubhang sinalanta ng bagyong Ambo.

Sa abiso na inilabas ng DOE, dapat walang paggalaw sa presyo ng LPG at kerosene sa mga bayan ng Jipapad, Maslog, Arteche, San Policarpo, Oras, Dolores, Can-avid, Taft at Sulat.

Pinaiiral ang price freeze hanggang sa Mayo 30 kasunod na rin ng deklarasyon ng mga lokal na pamahalaan sa mga nasabing bayan ng state of calamity.

Nitong Martes nagpatupad ang mga kompanya ng langis ng dagdag presyo sa kerosene na P2.35 kada litro. 

Pero giit ng DOE na hindi dapat magbago ang presyo ng kerosene sa mga nabanggit na lugar sa Eastern Samar.

 -- Ulat ni Dexter Ganibe, ABS-CBN News