(UPDATE) Inaasahang bababa ang singil sa pasahe sa eroplano sa susunod na buwan matapos tapyasan ngayong Miyerkoles ng Civil Aeronautics Board (CAB) ang fuel surcharge.
Makikita ang fuel surcharge sa fare breakdown ng plane ticket. Ito ang pangalawa sa pinakamataas na singil sa pasahe.
Simula Hunyo, Level 4 na ang fuel surcharge mula Level 5 ngayong Mayo.
Bababa nang P34 hanggang P200 ang fuel surcharge para sa domestic flights sa Hunyo kompara ngayong Mayo, depende sa singil sa distansiya ng flight.
Halimbawa, ang biyaheng Maynila papuntang Caticlan na may tinatayang layo na 400 kilometro, magiging P184 na lang ang fuel surcharge.
Sa mga international flight naman na magmumula sa Pilipinas, bababa ang fuel surcharge nang P112 hanggang P835.
Ang mga biyahe papuntang Taiwan o Hong Kong, halimbawa, ay magkakaroon ng fuel surcharge na P385.70 habang P600 naman ang singil sa mga papunta ng Indonesia, Japan o South Korea.
Ayon kay CAB Executive Director Carmelo Arcilla, ito na ang ikatlong sunod na buwan na bumaba ang fuel surcharge at pinakamababa rin sa loob ng 15 buwan.
Kinikilala naman ng Philippine Airlines ang pagbaba ng fuel surcharge, na susundin umano nila.
Ayon naman sa Cebu Pacific, makatutulong ang pagbaba ng fuel surcharge para makahikayat ng mga pasahero.
Para naman sa AirAsia Philippines, malaki ang naging tulong ng patuloy na pagbaba ng fuel surcharge dahil lumobo ang bilang ng mga pasahero nila.
Magagamit din ng mga pasahero ang bawas-presyo sa flight ticket sa ibang gastusin, ayon sa AirAsia Philippines.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.