PatrolPH

Meralco tuloy ang pagputol ng kuryente sa susunod na linggo

ABS-CBN News

Posted at May 18 2021 05:08 PM | Updated as of May 18 2021 09:54 PM

Watch more on iWantTFC

Itutuloy na umano ng Meralco ang pamumutol ng kuryente sa susunod na linggo sa mga kostumer na hindi makakabayad.

Ayon sa kompanya, maglalabas na sila ng mga disconnection notice ngayong linggo.

Bunsod nito, humaba ang pila sa mga customer care agent sa mga tanggapan ng Meralco dahil sa mga nakikiusap kung puwedeng utay-utayin ang pagbabayad ng mga naipong bayarin.

Ayon kay Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga, magiging maunawain naman ang kompanya sa situwasyon, kahit doon sa mga hindi tumupad sa naunang kasunduang pag-utay-utay sa mga lumobong bayarin.

Pansamantalang itinigil ng Meralco ang mga putulan sa linya ng kuryente nang isailalim sa enhanced community quarantine noong katapusan ng Marso ang Metro Manila at mga karatig-lalawigan.

Ayon naman kay Maynilad Spokesperson Zmel Grabillo, Hunyo 16 pa magsisimulang mag-isyu ng disconnection notice ang Maynilad.

Hunyo 30 naman mag-uumpisa ang putulan, sabi ni Grabillo.

Sa Hunyo 1 naman umano sisimulan ng Manila Water ang pagbibigay ng disconnection notice habang Hunyo 15 naman ang umpisa ng putulan kapag hindi nakabayad ang kostumer.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

 RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.