PatrolPH

Meralco pinaiimbestigahan dahil sa mga reklamo sa electricity bill

ABS-CBN News

Posted at May 18 2020 04:23 PM | Updated as of May 18 2020 07:11 PM

Watch more on iWantTFC

(UPDATE) Pinaiimbestigahan na ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang Meralco dahil sa sangkaterbang reklamo kaugnay sa pagsipa ng bayarin sa kuryente habang nasa ilalim pa ng modified enhanced community quarantine ang Metro Manila at mga karatig-probinsiya.

"We already gave Meralco a formal letter requiring them to explain and to look into their system," ani ERC Chairperson Agnes Devanadera.

"Pinapag-submit namin sila ng dokumento para masuri rin namin kung ano ang pinanggagalingan nitong mataas na bill, dagdag niya.

Inireklamo ng grupong National Association of Electric Consumers for Reforms Inc. (Nasecore) sa ERC ang Meralco dahil hindi raw dapat muna naningil o nagpapadala ng bill ang Meralco habang may quarantine pa.

Itinutulak din ang pag-imbestiga ng Kamara sa isyu.

"Itutulak ng Bayan Muna ang isang resolusyon para maimbestighan ito at dinggin din ng mga ongoing committee hearing especially sa committee on energy," ani Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate.

Nanindigan naman ang Meralco na sumunod sila sa mga direktiba at handa silang magpaliwanag sa gobyerno at publiko.

Sa naunang panayam sa DZMM nitong Lunes, inihayag ni Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga na handa silang tumanggap ng mga reklamo at katanungan ukol sa mga bill.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.