PatrolPH

Poultry farmers umaasang makakabawi kasunod ng pagluwag sa biyahe

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at May 17 2022 02:06 PM | Updated as of May 17 2022 07:20 PM

Watch more News on iWantTFC

(UPDATE) Umaasa ang grupo ng mga poultry raiser na makakabawi na sila sa kita matapos luwagan ang pagbiyahe ng hayop galing sa mga lugar na tinamaan noon ng bird flu.

Pinayagan na ng Department of Agriculture (DA) ang pagbiyahe ng ilang poultry product mula Luzon at iba pang lugar na apektado ng bird flu patungo sa kahit anong lugar sa bansa, matapos ang 3 buwang paghihigpit.

Dahil kasi sa paghihigpit, nagkaroon ng oversupply at bumaba hanggang P95 ang farm gate price ng broiler sa Luzon, ayon kay United Broilers Raisers Association (UBRA) President Bong Inciong.

"Lugi na 'yan para sa karamihan, lalo sa small and medium. Ang mahal ng mais, ang mahal ng soya. P27 per kilo 'yong feeds eh ngayon ang average mas 34-35 napakamahal na ng feeds. Kaya marami ring nag-iingat na, tumitigil dahil inaasahan na baba ang demand," ani Inciong.

Sa Kamuning Market sa Quezon City, ginagawang chicken longganisa o tocino ang mga sobrang manok sa puwesto ni Florante Galamgam.

Sayang naman daw kasi dahil matumal ang bentahan ngayong nasa P190 kada kilo ang manok.

Kahit umano mababa ang hango sa farm, malaki naman aniya ang patong ng mga biyahero.

"Sumabay sa [taas-presyo ng] gasolina. Nagtaasan lahat. Minsan kaunti bumibili," ani Galamgam.

Kung may oversupply sa Luzon, kulang naman ang sisiw sa Visayas at Mindanao, ayon sa UBRA.

Kaya naglalaro umano sa P140 hanggang P160 ang farm gate price ngayon.

Nakiusap ang grupo sa mga local government unit na pakinggan ang DA at payagan silang makabiyahe ng produkto kung susunod naman sa mga requirement na inilatag ng kagawaran.

"Sana mawala na 'yong kaba tungkol sa bird flu ng ating mga kababayan at mga nag-aalaga kaya lang hindi dapat mawala 'yong pag-iingat sa mga nag-aalaga," ani Inciong.

Sa huling datos ng Bureau of Animal Industry, sa 92 kumpirmadong kaso ng bird flu, 1 na lang ang binabantayang ongoing case, na nasa Central Luzon.

Suspendido pa rin naman ang pagbiyahe ng mga panabong, kalapati, pato at pugo.

Magugunitang mga duck at quail farm ang karamihan sa mga nag-report na tinamaan ng bird flu mula sa 14 na probinsiya noong mga nakaraang buwan.

FROM THE ARCHIVES

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.