ABISO: Toll sa NLEX tataas simula Martes

ABS-CBN News

Posted at May 17 2021 06:39 PM | Updated as of May 17 2021 08:19 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Umpisa na sa Martes ang dagdag-singil sa toll ng North Luzon Expressway (NLEX) matapos aprubahan ng Toll Regulatory Board (TRB) ang aplikasyon ng operator na Metro Pacific Tollways.

Paliwanag ni TRB spokesperson Julius Corpuz, bahagi ang taas-singil ng inaprubahan nilang periodic adjustments noong 2012 at 2014.

"Ito pong maliit na toll fee increase na ito ay matagal na dapat ipinatupad, noon pang 2013 at 2015, long overdue naman na po ito. Itong malilikom, additional revenues na di naman po ganoon kalakihan ay magagamit naman po nila sa pagpapatuloy ng kanilang obligasyong mapaayos ang operation at maintenance ng expressway," ani Corpuz.

Dagdag toll sa open system o flat rate kada entry

  • Class 1 vehicles — P2 
  • Class 2 vehicles — P3 
  • Class 3 vehicles — P4 

Dagdag toll sa end-to-end journey (dumaan sa buong NLEX)

  • Class 1 vehicles — P6 
  • Class 2 vehicles — P14 
  • Class 3 vehicles — P16 

Sabi naman ni Metro Pacific Tollways chief communication officer Romulo Quimbo, Jr. nasa 2 o 3 percent lang ang toll hike na ito.
    
Ito'y para rin aniya sa pagpapatuloy ng konstruksiyon ng mga proyekto ng NLEX.

"[Gagamitin ito sa] pagkumpuni po ng mga damage natin diyan, pagsagawa ng maintenance natin 24/7. 'Yun pong Candaba viaduct ginagawa po itong future-proof. 'Yung expansion po natin tuloy-tuloy," ani Quimbo. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.