Kooperatiba ng kuryente sa Palawan, isinusulong na buwagin

Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Posted at May 17 2017 08:35 PM

PUERTO PRINCESA – Isinusulong ng ilang mga konsyumer ng Palawan Electric Cooperative (PALECO) na buwagin na lamang ang kooperatiba dahil sa umanong kakulangan sa pagganap sa mga tungkulin.

Anila, tuwing tag-init ay nakakaranas ng sunud-sunod na blackout sa Puerto Princesa at timog na bahagi ng Palawan.

Samantala, itinanggi ni PALECO General Manager Ric Zambales na pagbuwag sa kooperatiba ang solusyon sa mga problemang nararanasan ng Puerto Princesa sa kuryente.

Dagdag niya sa PALECO Distribution System Orientation, ang posibleng pag-disenfranchise ng kooperatiba ay mapag-uusapan, depende sa kanilang member consumers at management.

Suhestyon niya na baka maaring hati-hatiin ang kooperatiba, imbis na iisa lang ang grupong nag-aasikaso sa mainland Palawan.

Mas mapapaganda umano ang pamumuno at maiiwasan ang mga problema kung mas maliit na saklaw lamang ang pamumunuan nito, kagaya na lang ng ginawa sa Calamian Group of Islands. Imbis na PALECO ang humahawak sa suplay ng kuryente sa isla, tinutugunan ito ng Busuanga Island Electric Cooperative (BISELCO).

"Iyong mga nakaraang proposal ng mga dati ring direktor, mas maganda daw kung hati-hatiin ang PALECO—mayroong PALECO 1, PALECO 2. In a small scale, mukhang mama-manage ng maganda iyong isang electric cooperative," ani Zambales.

Ayon naman sa PALECO Board of Directors, hanggang 2029 pa ang prangkisa ng PALECO, at ang desisyon ng pag-disenfranchise nito ay nasa kongreso.

Gayunman, sabi rin ng PALECO na kailangan umanong maibigay ng kumpleto ng mga inpendendent power providers ang kabuuang Guaranteed Dependable Capacity ng mga ito, na nakasaad sa kanilang Power Supply Agreement.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.