PatrolPH

Dagdag sa sahod, kulang pa rin ayon sa ilang minimum wage earner sa NCR

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at May 15 2022 03:31 PM | Updated as of May 15 2022 06:42 PM

Watch more News on iWantTFC

Todo-kayod ang construction worker na si Romel Señar para may pantustos sa pamilyang nakatira sa Bulacan. Mag-isa siyang nagtatrabaho sa Maynila para matutukan ng kaniyang misis ang 12 taong gulang nilang anak.

Nasa P537 ang arawan ni Señar, kaya ikinatuwa niya nang ianunsiyo noong Sabado ng Department of Labor and Employment ang P33 umento para sa mga manggagawa sa Metro Manila.

Pero kung tutuusin, kulang na kulang pa umano para kay Señar ang dagdag na P33 sa taas ng presyo ng mga bilihin ngayon.

"Baka puwede pang dagdagan kasi sa pagkain pa lang, kulang na eh," ani Señar.

"Dati nakakakain kami sa labas. Ngayon, 'di na puwede. Kailangan nasa loob na lang ng bahay kasi hindi na kakayanin ng budget," dagdag niya.

Kung isang araw lang kada linggo ang pahinga ni Señar, P13,425 ang inuuwi niyang sahod sa construction kada buwan.

Sa halagang iyon, P9,000 ang mapupuntang budget ng mag-ina niya sa Bulacan para sa upa, tubig at kuryente, pamamalengke, at bigas.

Ang sobra'y pagkakasyahin na lang ni Señar sa pagkain habang nasa Maynila at pamasahe pauwing Bulacan.

Nakukulangan din ang iba pang manggagawa sa umento.

"Hindi talaga sapat kasi ‘yong pamasahe pa lang at bilihin sobrang taas na, pati gasolina," sabi ni James Villote.

"Pwede naman siya pero ina-ano namin ‘yong P750 [national minimum wage] na ibinablita. Pero okay na ‘yang P33, at least may dagdag kahit papaano," sabi naman ni Lorenda Gregorio.

Sa panayam ng Teleradyo, sinabi ng Trade Union Congress of the Philippines na kailangang amyendahan ang Wage Rationalization Act dahil bigo ang mga wage board sa pagtatakda ng minimum wage, ayon sa spokesperson na si Allan Tanjusay.

Mas pinaboran kasi umano ang mga negosyante para hindi malugi pero hirap nang makabuhay ng pamilya ang mga manggagawa.

"Kailangnan baguhin ang formula ng pagtatakda ng wage dito sa ating bansa. Ang kasalukuyang formula ay palakasan ng boses at paramihan ng boto," ani Tanjusay.

Bad timing naman ang wage hike na ipinatupad sa Western Visayas para sa grupo ng mga negosyante sa Bacolod City.

Hindi pa kasi nakakabawi ang mga negosyo sa pandemya, mga nagdaang bagyo, at epekto ng Russia-Ukraine conflict, ayon sa Metro Bacolod Chamber of Commerce and Industry (MBCCI).

Balak ng grupong magsumite ng petisyon sa National Wage and Productivity Commission para tutulan ang dagdag-sahod.

Pinasalamatan at pinuri naman ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang National Capital Region at Western Visayas wage boards sa pagpapabilis ng pagsusuri sa minimum wage.

Inaasahan umanong maglalabas na rin ng mga desisyon ang iba pang regional wage board sa mga susunod na araw.

Para naman sa Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa, katiting at kapos ang P33 wage increase at muling binigo ng regional wage board ang mga manggagawa.

Maituturing namang tagumpay ng manggagawa ang umento, ayon sa Kilusang Manggagawa ng Pilipinas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.