Suplay ng kuryente sa Setyembre pa inaasahang magiging normal: NGCP

ABS-CBN News

Posted at May 15 2019 07:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inaasahang sa Setyembre pa babalik sa normal ang suplay ng kuryente sa Luzon grid, ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

"There will be pronounced El Niño. Definitely made-delay 'yong tag-ulan so may tama na naman doon sa hydroplants natin," ani Fidel Dagsaan, senior manager ng NGCP system operations.

Naging madalas kamakailan ang paglagay sa Luzon grid sa ilalim ng red at yellow alert, na nangangahulugang manipis ang reserba ng kuryente.

Inaasahang totodo umano ang konsumo ng kuryente ng mga taga-Luzon sa susunod na linggo dahil sa tindi ng init kaya posibleng numipis o kapusin na naman ang suplay ng kuryente sa Luzon grid.

Samantala, kontento naman ang Department of Energy (DOE) sa performance ng sektor ng enerhiya noong halalan dahil hindi naman malawakan ang brownout at maayos umanong nairaos ang botohan.

Sana raw dumami pa ang magtayo ng planta para hindi na magkaroon ng pagnipis o kumapos ang suplay ng kuryente.

"Ang panawagan natin sa ating investors, dagdagan pa natin ang mga planta kasi definitely, aakyat 'yong demand," ani Energy Undersecretary Wimpy Fuentebella.

Nilinaw din ng Meralco na bagaman may nakatakdang power interruption sa ilang lugar na sakop nila, wala itong kinalaman sa suplay ng kuryente kundi regular na maintenance work lang.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.