PatrolPH

Alokasyon ng tubig sa Metro Manila, mga kalapit na probinsiya dadagdagan

ABS-CBN News

Posted at May 14 2020 02:06 PM

MAYNILA - Daragdagan ng National Water Resources Board ang alokasyon ng tubig sa Metro Manila, Bulacan, Rizal, Cavite ngayong mataas ang demand dala ng mainit na panahon at pananatili ng mga residente sa bahay dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic. 

Sisimulan ito ng May 14 at magtatagal hanggang katapusan ng buwan, Mayo 31.

Ayon kay NWRB Director Sevillo David Jr. ito ay para matiyak ang sapat na suplay ng tubig sa harap ng COVID-19 pandemic at mainit na panahon na nagdulot ng pagtaas ng demand sa mga nasabing lugar. 

Mula sa dating 46 cubic meters per second gagawin itong 48 CMS, aniya, na 2 cubic meters per second na dagdag. 

Tiniyak naman ni David na bagama't patuloy na bumababa ang alokasyon ng tubig sa Angat Dam, hindi na ito bababa sa critical level. 

Tiniyak din ni David na hindi makakaapekto ang dagdag-alokasyon sa suplay ng dam dahil papasok naman daw ang tag-ulan pagdating ng Hunyo. 

Gayunman, muling nanawagan ang NWRB sa publiko na magtipid pa rin sa pagagamit ng tubig.

--Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.