PatrolPH

'Vaccine pass' para makapasok sa ilang indoor establishments inihihirit

ABS-CBN News

Posted at May 13 2021 06:49 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Itinutulak ng pribadong sektor at ng Department of Trade and Industry ang paggamit ng coronavirus disease (COVID-19) "vaccine pass" para sa pagpasok ng mga customer sa indoor establishment gaya ng mga restoran. 

Ayon kay Presidential Adviser for Entrepreneurship na si Joey Concepcion, itinutulak niya ang pagkakaroon ng standard vaccine pass na maaaring gamitin ng mga establisimyento para maengganyo ang populasyon na magpabakuna. 

Ibig sabihin, papayagan nito ang ilang restoran na tumanggap ng mga customer na may vaccine passport. 

"[For example] I would like to go to a restaurant... They have to have strict rules, I will enter there, kung everyone there [has] taken the vaccine," ani Concepcion. 

Ang ilang konsumer, tutol dito, gaya nina Butch Madera at ni Ed Tandog. 

"Very discriminatory in nature 'yan. Paano ang galing probinsiya, di makakapasok dito dahil walang silang vaccine passport?" ani Madera. 

"Hindi tama 'yun eh kasi marami akong kakilala na ayaw magpabakuna eh," ani Tandog. 

Giit ni Concepcion, may pangangailangan na mabakunahan at makakatulong ang pagkakaroon nito para maengganyo ang mga tao na magpabakuna kontra COVID-19 kung gusto nilang mag-indoor dining o mag-shopping halimbawa. 

Kinumpirma naman ni Department of Trade and Industry Secretary Ramon Lopez na may plano silang mag-isyu ng vaccine pass. 

"Yes. That has been in the plan as discussed with the restaurant group, and being studied as to timing and protocols. The new variants still pose risks so we need to reopen indoors very gradually." ani Lopez. 

Hiling naman ng grupong Resto.ph na matuloy ang ipinapanukala para makapasok na ang mga senior sa iba't ibang establisimyento. 

"We are hopeful our national government and LGU can consider adopting a Vaccine Pass System, to allow the vaccinated, including over 65 years old, to have access to indoor dining, gyms, spas and movies. Regardless of quarantine restrictions, the vaccinated should have unlimited access to open businesses," ayon sa grupo sa isang pahayag. 

Pero ang ilang restoran gaya ng McDonalds, bibigyan ng mga incentive gaya ng food discount ang mga nabakunahan kontra COVID-19. 

"We want to incentivize the consumers who get vaccinated, pasasalamat ito ng over 130 restaurant brands, dahil nagpabakuna ka, magbibigay ng discount ang iba-ibang restaurants na ito," ani Margot Torres, managing director ng McDonald’s Philippines. 

Sa June 1 aarangkada ang programang diskuwento sa lahat ng mga nabakunahan na. 

Ayon sa datos, aabot sa 2.5 milyon ang bilang ng mga nabakunahan na kontra COVID-19. 

Sa bilang, nasa 2 milyon ang nabakunahan ng unang dose habang higit 514,000 ang "fully vaccinated" o iyong nabakunahan na rin ng ika-2 dose ng bakuna. 

Dati na ring hinikayat ng mga eksperto na bilisan ang vaccination drive para bumilis din ang pagbubukas ng ekonomiya na naapektuhan ng pandemya. 

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

 
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.