PatrolPH

Mga nagtitinda sa palengke, delivery riders problemado sa NLEX toll hike

ABS-CBN News

Posted at May 12 2022 06:57 PM

MAYNILA - Problemado ang mga ilang nagtitinda sa Balintawak Market dahil sa pagtaas na rin ng toll sa North Luzon Expressway. 

Malaki na kasi ang puhunan sa mahal ng trucking, bunsod ng mataas na presyo ng petrolyo, at lalaki pa ang kanilang gastos dahil sa taas-presyo ng toll sa NLEX. 

"Mabigat lalo sa mga mamimili, kasi sasabihin napakataas naman, hindi namin kaya. Ramdam na ramdam, araw-araw ang tumal, katulad namin marami kaming natatapon na gulay, lugi," anang tindera ng gulay na si Rowena Curativo. 

Simula hatinggabi ng Huwebes, P62 ang flat rate para sa mga ordinaryong kotse at SUV na dadaan sa open system ng NLEX mula Balintawak hanggang Marilao. 

Nasa P155 na ang toll fee para sa mga delivery van at nasa Class 2, habang P187 naman para sa mga truck at nasa Class 3. 

Sa closed system paglagpas ng Marilao hanggang dulo ng NLEX sa Sta. Ines sa Mabalacat, P299 na ang toll fee para sa mga Class 1 na sasakyan, P748 naman kung Class 2 at P897 kung Class 3. 

Kada dalawang taon puwedeng humingi ng toll adjustment ang NLEX

Ipagpaatuloy naman ng NLEX ang subsidy program nila para sa jeep kung saan P212 ang presyo ng 'unli' pass card na magagamit sa buong araw na pagdaan sa NLEX. 

May tatlong buwang rebate o refund naman ang mga bus. 

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.