Paglago ng ekonomiya bumagal dahil sa delay sa budget

ABS-CBN News

Posted at May 09 2019 12:38 PM | Updated as of May 11 2019 02:48 AM

Watch more in iWantTFC

Bumagal ang paglago ng ekonomiya ng bansa sa unang 3 buwan ng taon na isinisi ng gobyerno sa pagkaantala sa pagpasa ng pambansang budget. 

Ito na ang pinakamabagal na paglago ng ekonomiya ng bansa sa loob ng apat na taon. 

Lumago ng 5.6 porsiyento ang gross domestic product o GDP mula Enero hanggang Marso, kompara sa 6.3 porsiyento noong Oktubre hanggang Disyembre.

Abril lamang nalagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang budget o ang 2019 General Appropriations Act dahil sa bangayan ng mga mambabatas sa umano'y mga budget insertions. 

"As we had forewarned repeatedly, the reenacted budget sharply slowed growth," ani Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia.

Papalo sana sa 6.6 porsiyento ang paglago sa GDP kung naipasa sa oras ang budget, ani Pernia. 

Dahil sa pagbagal ng paglago sa ekonomiya, maaaring makumbinsi ang Bangko Sentral ng Pilipinas na babaan ang tubo sa mga utang simula sa Huwebes. 

Karaniwang binababaan ng Bangko Sentral ang "benchmark" na interest rate na ginagamit ng mga bangko para hikayatin ang mga negosyante na higit na mamuhunan. 

Ayon naman kay Finance Secretary Carlos Dominguez, inaasahan ang pagganda ng galaw ng ekonomiya sa ikalawang quarter ng taon ngayong pasado na ang budget. 

Aapurahin na aniya ng gobyerno ang mga naantalang proyektong impraestruktura sa pagpirma ni Duterte sa budget. 

-- May ulat nina Joyce Balancio at Bruce Rodriguez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.