Kahit inflation nasa 3 porsiyento: Taas-presyo sa bilihin dama pa rin

ABS-CBN News

Posted at May 07 2019 08:14 PM | Updated as of May 07 2019 08:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa kabila ng pagbagal ng inflation – o ang taas-presyo sa mga bilihin at serbisyo – dama pa rin ng ilan ang taas-presyo ng langis at iba pang mga bilihin noong mga nakaraang linggo. 

Nitong Martes, inanunsiyo ng Philippine Statistics Authority na numaba sa 3 porsiyento ang inflation noong buwan ng Abril mula sa 3.3 porsiyento noong Marso. 

Ito na ang pang-anim na sunod na buwan na bumagal ang inflation at pangatlong sunod na buwan na pasok ito sa target ng Bangko Sentral ng Pilipinas na 2 hanggang 4 porsiyento. 

Huminto rin ang paglobo ng presyo ng bigas noong Abril, na sinasabing dahil sa sapat na suplay ng bigas dala ng rice tariffication law. 

Gayunman, dama ng ilan tulad ni Elmer Ladera, na isang construction worker, ang epekto ng inflation sa transportasyon. 

Aabot sa P110 kada araw ang gastos ni Ladera sa kaniyang pagbibiyahe papunta at pabalik sa kaniyang bahay sa Rodriguez, Rizal hanggang sa pinapasukang construction site sa Quezon City. 

"Nong nakaraang taon mababa, umaabot ka lang ng P90," ani Ladera nang tanungin kung magkano inaabot ang kaniyang pamasahe. 

Ayon sa PSA, tumataas pa rin ang mga presyo kahit bumagal ang inflation noong Abril, kaya mas kaunti pa rin ang nabibili ng mga namimili kumpara noong 2018. 

Bukod pa rito, tumataas ang presyo ng gulay at prutas, na isinisisi sa epekto ng El Niño. 

Ayon sa National Economic Development Authority (NEDA), mas malaking gastos ng bayan sa transportasyon sa mga susunod na panahon dala ng pagtaas ng presyo ng langis sa international market. 

Dahil dito, nanawagan na ang NEDA sa gobyerno na ayusin na ang ilang ayudang ipinagkakaloob sa mga apektado ng tax reform law gaya ng unconditional cash transfer para sa mga mahihirap na pamilya at Pantawid Pasada cards. 

“The government should prioritize rolling out the second tranche of its social mitigating measures under the TRAIN (Tax Reform for Acceleration and Inclusion) law, such as the unconditional cash transfer and Pantawid Pasada, especially now that the 2019 national budget has already been signed into law," ani NEDA Secretary Ernesto Pernia. 

Maaalalang ilang linggo nagkaroon ng taas-presyo sa langis bago mag-rollback nitong Martes. 

Nakabantay rin ang Bangko Sentral sa magiging epekto ng El Niño, na maaaring tumagal hanggang sa katapusan ng taon. -- Ulat ni Warren De Guzman, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.