Sabik nang magpabakuna ang empleyadong si ER Gob dahil naiintindihan niyang ang bakuna ang solusyon para hindi siya kakaba-kaba na madale ng COVID-19.
"I'm looking forward for the herd immunity ng lahat so mas doon tayo kasi definitely itong mga vaccines na ito, pinag-aralang mabuti so I think effective naman siya," ani Gob.
Ang kompanya ni Gob ay bahagi ng Ayala Group, na ngayon pa lang ay naghanda na ng vaccination sites para sa mga empleyado ng iba't ibang kompanyang kasama sa grupo.
Nasa 24 ang vaccine areas ng Ayala Group sa buong bansa, kabilang ang isang basketball court sa loob ng isa nilang mall sa Parañaque.
"Ang vaccination sites, location-based so depende kung ano 'yong pinaka-convenient na vaccination site for the patient. Baka doon po sila nakatira in that area or doon nagwo-work, doon po nila ise-select 'yong preferred vaccination site nila," sabi ni Dr. Rizzy Alejandro, chief public health officer ng Ayala Healthcare Holdings Inc.
Nagtalaga na rin ng maraming vaccination site sa iba-ibang lugar sa bansa ang SM Group para sa kanilang mga empleyado.
Isa na rito ang ginagawang museum sa loob ng Mall of Asia (MOA) sa Pasay.
Nasa 2,000 kada araw ang puwedeng bakunahan sa vaccination site sa MOA, na pasado sa panuntunan ng gobyerno.
May 26 vaccination sites naman ang Robinsons sa kanilang mga mall para sa mga empleyado.
Pero nilinaw ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na limitadong bilang ng mga kompanya lang muna ang makakakuha pagdating ng AstraZeneca vaccines sa Hunyo.
"Almost a hundred companies. 'Yong pinaka-large companies dito... sila ang nag-order noong una," ani Concepcion.
May kinuha nang kompanya sina Concepcion na hahawak ng bakuna pagdating sa airport.
Inaasahang darating din sa Hunyo ang 500,000 doses ng Sinovac na in-order ng grupo ni Ambassador Francis Chua.
-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Covid-19, Covid-19 vaccination, bakuna, private sector, manggagawa, private sector workers, Ayala Group, SM Group, Robinsons, Joey Concepcion, vaccination site, TV Patrol, Alvin Elchico