Libreng training sa animation at game development, inaalok sa kababaihan

ABS-CBN News

Posted at May 06 2018 07:30 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hinimok ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at International Labor Organization (ILO) ang mga Pinay na sumailalim sa mga pagsasanay para sa mga in-demand na trabaho.

Isa sa mga pagsasanay na inaalok ng dalawang ahensiya ay ang libreng pag-aaral ng kursong animation at game development.

"We are inviting female enrollees for the program," ani Imelda Taganas, executive director ng TESDA Qualifications and Standards Office.

Tatagal ang pagsasanay sa animation ng 6-8 buwan habang 7-10 buwan naman ang aabutin ng pagsasanay sa game development.

Matutulungan din ang mga lalahok sa programa na makahanap ng trabaho matapos magsanay.

SAPUL SA AUTOMATION

Bahagi ang pagsasanay sa proyekto ng TESDA at ILO para mabigyan ng karagdagang kaalaman at kasanayan ang mga kababaihan, bunsod ng posibleng epekto ng automation sa ilang industriya.

"Women will be greatly affected by the changes in technology," ani Taganas.

Ayon sa pag-aaral ng ILO, may higit 18 milyong trabaho ang maaaring mapalitan ng makina sa darating na dalawang dekada bunsod ng "automation." 

Kabilang sa mga sub-sector na maaaring maapektuhan ng automation:

MANUFACTURING
• All manufacturing
• Food and beverages
• Garments
• Computer and electronics

SERVICES
• All services
• Business process outsourcing (BPO)/ call centre
• Retail trade
• Hotel
• Banking

Isa sa mga masasapul ng automation ang industriyang kinabibilangan ni Lina Baria, na 19 taon nang nagtatrabaho bilang mananahi at kasalukuyang pumapasok sa isa sa mga pinakamatandang patahian sa Maynila.

Pero ayon kay Baria, hindi lang simpleng pananahi ang hinihingi sa kanilang trabaho dahil maski sila'y kinakailangan din paunlarin ang kanilang mga kakayahan at kaalaman sa mga makina.

"Technology natin kasi lagi usad every year, nagbabago 'yan so kinakailangan sumunod tayo, kailangan sumabay," sabi ni Baria.

"Iba-ibang klase siya ng machines so kinakailangan mo rin siyang pag-aralan. Hindi [porke't] mananahi ka, magtatahi ka lang dahil hindi lang isang makina ang gagamitin," aniya.

Sa kabila ng kaunting pangamba, nananatiling kampante si Baria na kakailanganin pa rin ng industriya ang mga kagaya niyang mananahi.

"Kailangan pa rin siya ng operator kasi hindi naman puwede basta pindutin na lang siya, okay na. Kailangan pa rin na may magsu-supervise pa rin na tao para makita kung talagang maganda ba 'yong gawa," sabi ni Baria.

Para sa mga nais mag-aplay sa animation at game development courses ng TESDA, maaaring makipag-ugnayan sa opisina ng Human Resource Development Institute ng TESDA.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.