Taas-presyo sa petrolyo inaasahan

ABS-CBN News

Posted at May 05 2020 04:17 PM

Inaasahang tataas ang presyo ng produktong petrolyo matapos magpataw ang gobyerno ng dagdag na buwis sa imported na langis.

Sa executive order na inilabas noong Lunes, magkakaroon ng dagdag na 10 porsiyentong import duty sa langis. Ang pondong malilikom mula rito ay gagamitin sa mga programa laban sa coronavirus disease (COVID-19).

Sa tantiya ng Department of Energy (DOE), tataas nang P0.84 ang kada litro ng diesel, P0.60 ang kada litro ng gasolina, at P0.55 ang kada litro ng kerosene dahil sa import duty.

Nasa P1 hanggang P1.20 naman ang tantiyang dagdag ng ilang oil players.

Pabor naman sa dagdag na import duty ang Independent Philippine Petroleum Companies Association dahil malaki na naman daw ang nabawas sa presyo sa mga nakalipas na buwan.

Mula umpisa ng taon, nasa P17 na ang kabuuang rollback sa kada litro ng diesel habang P15 naman sa kada litro ng gasolina.

Tutol naman sa dagdag na buwis ang grupong Bayan Muna dahil tadtad na raw sa buwis ang produktong petrolyo.

Sa liquefied petroleum gas (LPG) naman, magkaiba ang tantiya na dagdag-presyo ng gobyerno at mga taga-industriya.

Nasa P1.30 kada kilo ang sa gobyerno habang hanggang P3 kada kilo naman ang tantiya ng Liquified Petroleum Gas Marketers' Association.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.