PatrolPH

ALAMIN: Ano ang mga appliance na malakas sa kuryente?

ABS-CBN News

Posted at May 03 2023 04:13 PM | Updated as of May 03 2023 06:55 PM

Watch more News on iWantTFC

Tinukoy ngayong Miyerkoles ng Meralco ang mga appliance na nagpapalobo sa bayarin sa kuryente ngayong tag-init.

Una na umano rito ang aircon, na kung halimbawa'y conventional na 1 horsepower ay naglalaro sa P4 hanggang P5 kada oras ang konsumo.

Pero ang inverter umanong 1 horsepower ay nasa P3 lang kada oras.

Nasa P0.64 kada oras naman ang electric fan habang P0.30 kada oras ang DC fan.

Ang conventional refrigerator na 7 cubic feet ay naglalaro sa P9 hanggang P10 kada araw pero ang inverter type ay nasa P7 hanggang P8.

Sa tindi ng init, kahit hindi nadagdagan ang oras ng gamit sa cooling devices ay puwede pa ring tumaas ang bayarin.

"The tendency really is for the compressor to work double time at saka matagal din ang tinatawag na level na ma-reach niya ang cooling level doon sa kwarto o sala dahil sa init ng panahon," ani Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga.

Pero may isa pang pasakit sa mga konsumer sa mga susunod na buwan.

Inaprubahan kasi ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang dagdag sa universal charge for missionary electrification na P0.04 kada kilowatt hour.

Ibig sabihin, ang kasalukuyang charge sa lahat ng konsumer na P0.18 ay magiging P0.22 na.

"Malamang na timing nito ay matatanggap ito sa bills na babayaran natin by June... Ito ang tulong natin doon sa mga hindi connected areas," ani ERC Chairperson Monalisa Dimalanta.

Para pa lang ito sa 2013 at 2014 at may 6 pang nakatenggang hirit na dagdag ang National Power Corporation para pambili ng fuel.

"Inaalalayan namin 'yong pagpasa that's why we're doing it in tranches," ani Dimalanta.

Samantala, napagana na ng National Grid Corporation of the Philippines ang Mindanao-Visayas interconnection project na nagkakahalaga ng P52 bilyon.

Nasa 22.5 megawatts ang unang naibato sa Visayas pero lalaki ito sa 112 megawatts sa dulo ng Mayo at 450 megawatts bago matapos ang taon.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.