Pinaligo na lang sa labas ni Wheng Estardo ang mga anak at pamangkin imbes na tumambay sa loob ng bahay at gumamit ng electric fan.
Wala silang telebisyon, refrigerator at aircon pero tumaas nang husto ang bill sa kuryente nitong Abril.
"Dati po kaming P3,500, naging P4,800 kami ngayon. 'Di rin po namin alam eh, minsan ang mga bata, nandiyan na [sa] labas para maligo para mapreskuhan sila," ani Estardo.
Sa labas din ng bahay nagpapahangin ang 70-anyos na si Paz de Roca sa halip na mag-electric fan sa loob ng bahay dahil inabot na ng P1,500 ang bayarin niya sa kuryente kahit ilaw at electric fan lang ang gamit.
"'Pag ganitong [mainit] na, lumalabas na kami, ang hirap baka ma-heat stroke pa kami," ani De Roca.
Sa datos ng Meralco, karaniwang tumataas ang konsumo ng kuryente pagdating ng Marso papuntang Abril hanggang Mayo dahil sa tindi ng init.
Kapag patuloy ang malakas na konsumo'y tataas din ang singil sa kuryente, ayon sa Meralco.
Hindi pa umano kasali sa kuwenta ang posibleng dagdag sa overall rate ng utility.
Sa unang dalawang araw ng pinakakritikal na buwan ng Mayo — dahil ito ang pinakamainit — walang ano mang alerto dahil sobra ang supply ng kuryente.
"Kung magpapatuloy ang trend na mas mababa sa inaasahan ang konsumo sa kuryente, maaaring maitawid natin ang month of May na walang [alert] status, pero ang caveat diyan is walang magkakaroon ng forced outage o biglaang pagpalya ng ano mang power plant," ani National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) Spokesperson Cynthia Alabanza.
Pero dahil may bubunuin pang 29 araw sa Mayo, ipinayo ng mga eksperto sa publiko ang pagtitipid sa kuryente.
Samantala, ipinaliwanag ng NGCP na nahirapang bumangon ang Panay grid noong weekend dahil sa kawalan ng voltage support o panulak na kuryente para tumakbo ang linya.
Kaya iminungkahi ng NGCP na tingnan ng gobyerno ang buong sistema - transmission, generation at distribution ng kuryente, na nagtutugma dahil kung may sintunado'y maaaring maulit na naman umano ang malawakang brownout sa lugar.
— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.