PatrolPH

Pinoy wagi sa Dubai Smartpreneur Competition 2019

Rachel Salinel, ABS-CBN News

Posted at May 01 2019 10:25 PM

Pinoy wagi sa Dubai Smartpreneur Competition 2019 1
Nanalo si Jon Edward Santillan ng first prize para sa kaniyang startup business na Denarii Cash sa Dubai Smartpreneur Competition. Cristina Calaguian

DUBAI – Isang Pilipino ang nag-uwi ng first prize sa ikaapat na edisyon ng Dubai Smartpreneur Competition sa Dubai, United Arab Emirates (UAE).

Nakuha ni Jon Edward Santillan, isa sa tatlong may-ari ng startup business na Denarii Cash, ang halagang 75,000 Dirhams ( mahigit isang milyong piso) sa Enterprise Agility Forum 2019 sa ilalim ng programa ng Dubai Chamber of Commerce.

“I am very surprised not that I was expecting it, but I came here to get out the word about Denarii Cash and meet more exposure of the product for the community. But I am overwhelmingly surprised about the announcement,” sabi ni Santillan.

Inilunsad ang kompetisyon nitong Pebrero kung saan 500 startup companies ang nagrehistro. Sampung kompanya ang umabot sa finals at isa ang Denarii Cash sa napili. Ilan sa nakalaban ni Santillan ay lahing German, Norwegian, Indian, at maging taga UAE.

Ang Denarii Cash ay isang money transfer application na may layong tulungan ang overseas Filipino workers sa pagpapadala ng pera sa Pilipinas. 

Ayon kay Santillan, libre ang pagpapadala kung ang halaga ay nasa $300 (mahigit P15,000). $2.50 USD lang o mahigit P100 ang sending fee sa sosobra sa $300. Ang perang ipinadala ay makukuha sa bangko o sa mga cash pick-up points. 

Plano niya na ipagpatuloy ang negosyo matapos manalo lalo na’t sumali rin sila sa 500 startup sa Riyadh, Saudi Arabia sa pakikipag partner sa MISK Innovation.

Labing apat na taon na siyang naninirahan sa UAE at isang senior digital marketer bago nagtayo ng negosyo.

Ang kompetisyon ay inilunsad bilang parte ng plano ng Dubai Chamber of Commerce para gawin ang Dubai bilang prime international destination for innovative startups.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.