Presyo ng LPG, auto LPG, tumaas

ABS-CBN News

Posted at May 01 2018 09:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kasabay ng dagdag-presyo sa petrolyo, nagtaas din ang ilang kompanya nitong Martes ng presyo ng kanilang liquefied petroleum gas (LPG) products. 

Nasa P1.90 ang dagdag sa kada kilo ng LPG. Katumbas ito ng P20.90 sa kada regular na tangke.

Nag-anunsiyo rin ang Petron na madadagdagan ng P1.05 ang kada litro ng kanilang auto LPG.

Ayon kay Rodela Romero, assistant director ng Oil Industry Management Bureau, sumasabay din ang presyo ng LPG sa galaw ng presyo ng diesel at gasolina.

"Kapag tumaas ang crude, dahil raw material sa pag-produce ng liquefied petroleum gas, so may posibilidad ding tumaas ang LPG," paliwanag ni Romero.

Sa datos ng Department of Energy, nasa P540 hanggang P750 kada tangke ang bentahan ng LPG.

DAGDAG-PASAHE SA TAXI

Bunsod ng pagtaas ng presyo ng auto LPG, iginiit ng mga taxi operator na panahon na para ipatupad ang hiniling nilang dagdag-pasahe.

Marami pa kasing taxi sa Metro Manila ang nagpapakarga ng auto-LPG.

"Nakailang ulit na 'yong increase sa auto LPG at sa regular gasoline. Talagang hirap na hirap na ang industriya ng taxi because the last fare increase which we received was almost more than 10 years ago," ani Bong Suntay, pangulo ng Philippine National Taxi Operators Association (PNTOA).

Ayon pa sa PNTOA, dapat gumana na ang naaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na P40 flag down rate, P13.50 dagdag sa kada kilometro, at P2 kada minuto na running time ng mga regular taxi.

Inutos naman ng LTFRB na ayusin ng mga operator ng mga regular taxi ang kanilang calibration at magkaroon sila ng mobile app.

Target ng PNTOA na ma-recalibrate at mare-seal ang metro ng mga taxi sa susunod na buwan para maaari na silang maningil ng mas mataas na rate.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.