PatrolPH

Presyo ng isda bumaba nang hanggang P40 sa ilang pamilihan

ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2020 04:23 PM | Updated as of Apr 30 2020 05:22 PM

Bumaba nang hanggang P40 ang presyo ng kada kilo ng ilang uri ng isda sa ilang pamilihan sa Metro Manila.

Sa pag-iikot ngayong Huwebes ng ABS-CBN News, nabatid na bumaba sa P140 ang presyo ng kada kilo ng galunggong sa Kamuning Market, Quezon City mula sa dating P180.

Nasa P120 naman ang presyo ng kada kilo ng bangus mula P160 sa Kamuning Market.

Sa Muñoz Market, P20 naman ang ibinaba ng presyo ng galunggong, na ngayo'y nasa P120 mula P160.

Ayon sa tindero na si Rene Villarosa, kahit bawas na ang kinukuha niyang isda sa Malabon Fish Port, umaabot pa rin ng ilang araw bago maibenta ang lahat.

Ayon naman sa Philippine Fisheries Development Authority (PFDA), nasa P65 hanggang P70 kada kilo ang presyo ng galunggong sa Navotas at Malabon fish ports habang P115 hanggang P120 naman ang bangus.

Nasa P95 hanggang P100 naman ang kada kilo ng tilapia sa parehong fish port, ayon sa PFDA.

May ilang biyahero umano mula sa ibang probinsiya na nahihirapan makakuha ng supply ng isda mula sa malalaking fish port ng Navotas at Malabon dahil sa lockdown, pero nasa 70 porsiyento ay napupunta pa rin sa Metro Manila.

Napadali ang delivery matapos kumuha ang PFDA ng nasa higit 20 walang trabaho para gawing delivery drivers ng isda.

Isinusulong din ng PFDA na gawing online ang pagbenta ng isda mula sa mga fish port, ayon sa general manager na si Glen Pangapalan.

Ayon kay Pangapalan, maaaring tumawag sa hotline na 1525 para um-order ng mga isda.

Pagkatapos umano ng enhanced community quarantine, maaaring gawing normal na ang pagpapa-order online mula sa fishports at may door-to-door delivery pa para mapanatili ang social distancing.

-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.