Dalawang taon nang delivery rider si Lemuel Balang at minsan na rin siyang naloko sa pag-deliver ng mga item.
Nakipagkita lang daw kay Balang ang sender sa Parañaque at nag-abono siya sa items na nagkakahalagang P3,800.
"Sabi mga branded na sumbrero tapos may pinakitang picture, 'yong laman non," kuwento ni Balang.
Pero pagdating sa adress na ibinigay ng umano'y receiver sa Maynila, nabuking ni Balang na nagoyo siya ng sender. Pagbukas niya ng kahon ay puro sirang sumbrero pala ang laman.
"Nanlumo ako kasi 'yong P3,800 pinaghirapan ko po 'yon eh. Hindi naman po madaling kitain 'yong ganoong kalaking pera," aniya.
Apat na beses naman nang nabiktima ng "fake booking" si Mike Anthony Nebres, pinakahuli ay noong Marso kung saan sa Caloocan ang delivery ng pagkain.
"Pagdating ko doon, siguro mga 30 minutes ako tawag, text, hindi talaga sumasagot," ani Nebres, na nag-abono ng higit P500.
Ang mga pekeng booking sa delivery riders ang dahilan kung bakit itinutulak ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagpaparehistro ng prepaid sim card, na siyang ginagamit ng mga manloloko.
"Kung hindi registered, hindi ma-trace kung sino ang mga tumatawag eh. Ito 'yong isang paraan na nakikita namin para mabawasan or maisawan talaga 'yong problema na nangyayari ngayon," sabi ni Trade Secretary Ramon Lopez.
Nakipag-ugnayan na ang DTI sa mga mobile service provider.
Sa isang pahayag, sinabi ng Globe na suportado nila ang sim card registration dahil makatutulong ito sa kanilang digital transformation at maiiwasan ang mga online fraud.
Pero dapat may maayos na proseso ng pagkuha ng impormasyon ng mga subscriber, sabi ng Globe.
Welcome din para sa Smart Communications ang sim card registration dahil makatutulong din ito na mapalakas ang e-commerce bukod pa sa ibang benepisyo.
Pero dapat anilang pag-aralan pang ambuti kung paano ang magiging proseso ng registration lalo sa mga marginalized sector.
Sinabi rin sa isang pahayag ng Department of Information and Communications Technology na suportado nila ang hakbang para maiwasan ang panloloko online.
Nakadepende ang lahat ng ito sa panukalang batas na nagmamandato sa mga public telecommunications entity na irehistro ang lahat ng bumibili ng sim cards, kung saan naroon ang ilang impormasyon ng subscriber.
Pero dahil sa isyu ng data privacy, nakabinibin pa ito sa plenaryo mula pa noong Disyembre 2019.
Nais na lang ng mga delivery rider na tuwing may magbu-book ng order ay sana'y lehitimo dahil sa kada deliver nila ay P59 lang ang kanilang kita tapos mawawala pa.
RELATED VIDEO:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, sim card registration, sim card, Department of Trade and Industry, Smart, Globe, Department of Information and Communications Technology, delivery rider, fake booking, fake delivery booking, data privacy, TV Patrol, Wheng Hidalgo