PatrolPH

Hog raisers, umaasang aakuhin ng gobyerno ang gastos sa pagbabakuna sa mga baboy vs ASF

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2021 08:50 PM

Hog raisers, umaasang aakuhin ng gobyerno ang gastos sa pagbabakuna sa mga baboy vs ASF 1
Ilang produktong pork sa Mandaluyong Public Market II noong April 15, 2021. Mark Demayo, ABS-CBN News

MAYNILA - Umaasa ang mga hog raisers sa bansa na popondahan ng gobyerno ang pagbabakuna sa mga baboy kontra African swine fever (ASF), oras na maging matagumpay ang trials nito. 

Ito ay sa kabila ng inaabangang pagdeklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ng state of calamity dahil sa ASF outbreak na siyang dahilan para bumagsak ang supply nito sa bansa at pagsipa na rin ng presyo kinalaunan.

Ayon kay Chester Tan, pangulo ng National Federation of Hog Farmers, Inc., maganda raw sana kung gobyerno na rin ang aako sa pagbabakuna sa mga natitirang baboy sa bansa pagkatapos ng trials. 

“Because of the high cost of producing pork, maganda po na meron subsidy from our government. Although, as of now, we don’t know how much it will cost us, yung vaccine. Is it only 1 shot or 2 shots? Under study and observation yung experts natin,” ani Tan.

Aabutin ng 48 na araw o hanggang mahigit 2 buwan ang trial para sa bakuna kontra ASF na inumpisahan na sa 10 commercial farms sa Luzon noong April 23, ayon kay Agriculture Assistant Secretary Noel Reyes.

PANOORIN: Pagbabakuna ng mga baboy laban sa African swine fever, inumpisahan na 

Watch more on iWantTFC

Pagkatapos ng 48 na araw, magkakaroon daw ng assessment kung epektibo ang nasabing bakuna.

Hindi pa pinangalanan ang kumpanyang nag-develop ng bakuna at mga farms na pinagdadausan ng trial.

“Di rin po pwedeng sabihin yung farms dahil sa privacy nila, para di sila puntahan ng media. Yung vaccine trials ay ginagawa na rin ng ibang companies naman sa Vietnam, sa China at England,” sabi ni Reyes.

Nauna nang sinabi ng Bureau of Animal Industry na isa sa mga paraan para malaman kung epektibo ang nasabing bakuna ay kung sabay-sabay tuturukan at pagsasamahin ang mga baboy sa isang farm at oobserbahan kung makakapasok dito ng ASF. 

Nauna nang sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na bumababa na ang kaso ng ASF sa mga baboy sa bansa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.