Paniningil ng renta kahit may lockdown maaaring ireklamo: DTI

ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2020 04:48 PM | Updated as of Apr 29 2020 07:50 PM

Watch more in iWantTFC

Nagbabala ang Department of Trade and Industry (DTI) na mananagot sa batas ang mga maniningil ng renta sa mga residente ngayong may enhanced community quarantine. 

Maituturing na paglabag sa Bayanihan To Heal As One Act ang paniningil ng upa dahil nakasaad sa batas na hindi na muna puwedeng maningil sa upa ang mga residente, ayon kay DTI chief Ramon Lopez. 

Sa halip, hahatiin sa anim na buwan na installment ang bayad dito.

"'Ang Fair Trade Enforcement Bureau (isang attached bureau ng DTI) ay pwedeng tumanggap ng mga complaints at doon na idi-discuss yung kaso," ani Lopez. 

Nakarating na umano sa grupong Bayan Muna ang reklamo ng ilang residente na sinisingil sila ng upa sa bahay kahit umiiral ang lockdown. 

"Intindihin po sana natin na hirap na hirap na rin po ang mga kababayan at kung anong meron silang pondo, ang pangunahin nilang tinututukan ay ang kanilang pagkain at iba pang basic needs," ani Bayan Muna Rep. Carlos Zarate. 

Si Eric Agulay, na nagpapaupa ng commercial building, nakiusap na sa mga tenant na bibigyan sila ng palugit sa pagbabayad. 

Pero pakiusap niya, sana matulungan din sila ng gobyerno ngayong tinamaan din ang kanilang negosyo dahil sa coronavirus. 

"Meron din kaming binabayaran, gaya nila nagpapaaral din kami... Para sa aming nagpapaupa, kasama rin kami sa naapektuhan," ani Agulay. 

May palugit din pati umuupa sa mga mall pero ayon sa DTI, may ilang mall owners na umanong hindi maniningil ng upa habang naka-lockdown. 

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.