MAYNILA - Maraming negosyo ang naapektuhan ng krisis sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ngayong umaaaray ang ilang negosyo, may payo ang motivational speaker at dating TV host na si RJ Ledesma para mapalago ito kahit pa man nakasara ang tindahan.
Ayon kay Ledesma, mahalagang dalhin online ang kasalukuyang negosyo para kumita.
"Importante niyan ang unang transformation sa negosyo is kayo ba ay online kung kayo ay sari sari store o kaya hardware are you digitally enabled so that’s the first thing na lumalabas dito," ani Ledesma sa panayam ng “Failon Ngayon” sa DZMM.
Mahalaga aniya ito lalo na’t nakapako sa bahay ang mga namimili dahil sa lockdown.
Naka-enhanced community quarantine ang ilang parte ng bansa, kabilang na ang Metro Manila hanggang Mayo 15, na nagdulot ng pansamantalang tigil-operasyon para sa ilang negosyo o paglipat sa mga online service para mabenta ang kanilang mga paninda.
May ilan namang siyudad at rehiyon na isasailalim sa mas maluwag na general community quarantine simula Mayo 1.
Kung nagmamay-ari ng negosyong may kinalaman sa wellness gaya ng gym o kaya spa, maaari aniya itong dalhin online sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga online tutorial.
Kung aniya’y may spa, maaaring gumawa ng negosyo sa pamamagitan ng pagbuo ng spa kits para sa mga kliyente.
"What’s also impotant is kung paano mo inuuwi 'yong experience na 'yan sa bahay ng mga tao so kunyari may spa. ‘Yong ginagawa na lang niya gagawa na lang siya ng spa kit na ipapadala sa kliyente at gagawa ng video tutorial so… So puwedeng gawin sa bahay ang home spa," ani Ledesma.
Ngayong apektado rin aniya ang supply chain dala ng krisis sa coronavirus, maaari aniyang pumasok sa urban farming ang mga negosyo para sa kanilang mga stocks.
Maaari rin aniyang pumasok sa franchising ng mga essential na bagay gaya ng LPG at water refilling.
Payo ni Ledesma, ilagay ito malapit sa mga residential area para mas marami ang tumangkilik.
Maaari ring iikot ang negosyo nang naayon sa pangangailangan, gaya ng paggawa ng masustansiyang pagkain at inumin ngayong may krisis sa coronavirus.
“Pagdating sa mga pagkain dapat pumasok na sa healthy at immune products. Kung may delivery service ka, puwede mo sabihin mo 45 na ang ating pagkain o immunity boosters malakas po yan ngayon. Ang imporante is that 'yong seniors hindi makakalabas sa bahay,” ani Ledesma.
Payo niya, gawing "long-run" ang iisiping negosyo at hindi paikutin sa nararanasang krisis ang negosyo gaya ng pagbebenta ng alcohol o ibang medical supplies sa mataas na presyo.
Maaari rin kasing mapalago pa ang nagawang negosyo pagkatapos ng krisis kung ganito aniya ang gagawin.
"Bilang entrpreneur ang pinagiisipan mo: Ano ang pwedeng gawin na longer time, sustainable, scalable?" ani Ledesma.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, negosyo, business, lockdown, entrepreneur, COVID-19 businesses, COVID-19 negosyo, negosyo sa COVID-19