Oil price hike ipatutupad sa Martes

ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2019 10:31 AM | Updated as of Apr 29 2019 08:22 PM

Customers fill up their vehicle's tank at a gas station in Quezon City. Mark Demayo, ABS-CBN News/File

MAYNILA (UPDATE) -- Magkakaroon ng taas-presyo sa langis ang mga oil firm sa Martes, Abril 30.

Ayon sa Shell, Petro Gazz, PTT Philippines, SEAOIL, Caltex, Eastern Petroleum, TOTAL, Jetti Pump, at Phoenix Petroleum, P0.80 ang kanilang taas-presyo sa kada litro ng diesel habang P0.75 naman sa kada litro ng gasolina.

Magpapatupad din ang Shell, SEAOIL, at Caltex ng P0.90 dagdag sa kada litro ng kerosene.

Epektibo ang mga bagong presyo simula alas-6 ng umaga maliban sa Caltex at Eastern Petroleum na magpapatupad ng pagbabago sa presyo alas-12:01 ng hatinggabi.

Mula Enero 1 hanggang Abril 29, P10.29 ang iminahal ng kada litro ng gasolina, P7.64 sa diesel, at P5.17 sa kerosene.

Naglalaro na sa P54.24 hanggang P59.09 ang kada litro ng gasolina mula P47.45 hanggang P50.15 kada litro noong Disyembre ng nakaraang taon.

Nasa P43.99 hanggang P47.54 ang kada litro ng diesel mula P37.90 hanggang P39.90 noong Disyembre.

Samantala, nagreklamo na sa Anti-Red Tape Authority si Laban Konsyumer President Vic Dimagiba dahil sa tagal ilabas ang utos ng Department of Energy (DOE) na "unbundling" o paghimay ng mga oil firm ng presyuhan ng petrolyo.

Dapat umanong ibulgar sa publiko ang hinimay na presyo ng petrolyo at hindi lang sa mga taga-DOE.

Pero ayon sa DOE, hindi puwedeng ibigay sa publiko ang kuwenta ng kada oil company.

"Puwede naming i-share sa law enforcers, ang tao hindi siya law enforcers o policymakers," ani Rodela Romero, assistant director ng Oil Industry Management Bureau sa ilalim ng DOE.

Ilang linggo nang nasa legal department ng DOE ang kautusan at hindi pa napipirmahan ni Energy Secretary Alfonso Cusi para maipatupad.

TAAS-PRESYO SA LPG NAGBABADYA

Nagbabadya ring magkaroon ng pagtaas sa presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) sa Mayo 1.

Tinatayang nasa P0.50 hanggang P1 kada kilo ang pagtaas o P5.50 hanggang P11 kada regular na tangke.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.