ALAMIN: Hidwaan ng Kuwait at Pilipinas, may epekto ba sa OFWs, kalakalan?

ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2018 05:01 PM

Nagpulong kamakailan sina Pangulong Rodrigo Duterte at Kuwaiti Ambassador to the Philippines Musaed Saleh Ahmad Althwaikh. Presidential photo 

Malaki ang nakikitang epekto sa pagpapalayas ng Kuwait sa ambassador ng Pilipinas hindi lamang sa lagay ng mga overseas Filipino worker (OFW) kung hindi pati sa suplay ng langis at usapang-pangkapayapaan.

Ayon kay retired ambassador Apolinario Lozada, nababahala siya sa magiging bunga ng pagpapalayas at pagdeklarang "persona non grata" kay ambassador Renato Villa.

"The expulsion means Kuwait has lost its respect to our foreign service and to our foreign policy. Second, Kuwait will no longer be our number one ally in the OIC (Organization of Islamic Cooperation) and in the OPEC (Organization of the Petroleum Exporting Countries)," paliwanag ni Lozada.

Ito rin daw ang unang pagkakataong idineklarang persona non grata ang isang Philippine ambassador.

Matatandaang pinalayas ng Kuwait si Villa bilang protesta sa isinagawang rescue operations ng embahada sa mga OFW nang hindi nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad doon. 

    
Ayon sa datos ng Department of Energy, pangalawa lang sa Saudi Arabia ang Kuwait sa pinagkukunan ng Pilipinas ng langis o crude oil.

2017 crude oil imports
• Saudi Arabia: 36.6 porsiyento
• Kuwait: 30.2 porsiyento
• UAE: 17.6 porsiyento

Miyembro naman ng OIC ang Kuwait, na masugid na sumusuporta sa usapang pangkapayapaan ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front (MILF).

"Ito ang problema dito eh, sinaktan natin ang Kuwait, lahat ng mga kaibigan ng Kuwait will have to close in together with Kuwait," ayon kay Lozada. 

May utang na loob ang Kuwait sa Pilipinas dahil sa paglahok nito sa puwersa na nagpalaya sa kanila nang lusubin ito ng Iraq noong '90s.

Pero dahil sa tensiyon ngayon, nalalagay din sa alanganin ang pagpirma sa memorandum of understanding (MOU) na mangangalaga sana sa kapakanan ng mga domestic helper sa Kuwait.

Nasa higit 250,000 ang bilang ng Pilipino sa Kuwait at 170,000 dito ang household service workers.

Mahigit 4,000 na ang napauwi ng Pilipinas kabilang ang undocumented workers sa ilalim ng amnesty na ibinigay ng pamahalaan ng Kuwait.

Hindi naman nakikitang magiging malaki ang epekto nito sa OFW remittances, ayon sa report ng World Bank.
    
Pang-4 lang kasi ang Kuwait sa mga Middle East countries na pinagmumulan ng cash remittance ng bansa.

Pagdating naman sa kalakalan, pang-5 ang Kuwait sa mga top export market ng Pilipinas sa Middle East.

Kabilang ang saging at mga pagkain sa produktong iniluluwas ng Pilipinas doon.

Sa ngayon, kapwa bukas pa ang embahada ng Pilipinas at Kuwait.
    
-- Ulat ni Willard Cheng, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.