PatrolPH

Singil sa kuryente nagbabadyang tumaas sa mga susunod na buwan

ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2023 04:42 PM | Updated as of Apr 26 2023 06:59 PM

Watch more News on iWantTFC

Namemeligrong tumaas ang singil sa kuryente sa mga konsumer sa susunod na buwan bunsod ng pagsipa ng konsumo dahil sa tindi ng init ng panahon.

Dahil sa init, hataw ang konsumo sa kuryente sa buong bansa, dahilan para sumipa nang todo ang presyo ng kuryente sa wholesale electricity spot market (WESM).

Ang WESM ay mistulang palengke na binibilhan ng kuryente ng mga kooperatiba o utility gaya ng Meralco.

Higit P1 ang itinaas sa presyo ngayong Abril kompara noong Marso sa Luzon.

"We attribute it to the na-experience natin na parang heat wave, 'yong na-experience natin in the last two weeks, diyan humahataw ang mga cooling system sa Pilipinas," ani Independent Electricity Market Operator of the Philippines Spokesperson Isidro Cacho.

Batay sa projections, lalo pang titindi ang konsumo sa kuryente dahil Mayo pa ang inaasahang peak demand, kaya puwedeng manatiling mahal ang kuryente sa spot market hanggang sa mga susunod na buwan.

Noong nakaraang buwan, nasa 32 porsiyento ng supply ng Meralco ang binili sa WESM kaya kung malaking supply ang galing sa merkado, mararamdaman ito sa bills ng mga konsumer.

 Power crisis sa Occidental Mindoro

Samantala, pinaiimbestigahan na sa Senado ang 20 oras na brownout sa Occidental Mindoro.

"Nakakadismaya kasi matagal nang problema ito and in my opinion, pagkukulang ito ng management dahil dapat alam nila ang kanilang load curve. Ibig sabihin dapat alam nila [ang] demand nila at magkontrata na sila at magkaroon na sila ng contigency measures," ani Senate Energy Commmittee Chairperson Sherwin Gatchalian.

Kung si Gatchalian ang tatanungin, puwedeng i-take over ng National Electrification Administration (NEA) ang palakad sa electric cooperative sa Occidental Mindoro.

Pero sa taya ng NEA, may paunang ginhawa na ang mga taga-Occidental Mindoro sa Sabado.

"Saturday, they will have an additional two [to] three hours of electricity," ani NEA Administrator Antonio Almeda.

Sasaluhin muna ng gobyerno ang gastos sa 5 megawatts kada buwan sa loob ng 2 buwan, na higit P100 milyon.

Pero ipapasa sa lahat ng mga konsumer ang gastos sa dagdag na 17 megawatts sa mga susunod na buwan.

Kung walang bulilyaso, inaasahang mawawala na ang brownout sa Hulyo.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.