PatrolPH

Presyo ng baboy, ilang klase ng gulay tumaas sa ilang palengke

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2022 03:43 PM

MAYNILA — Tumaas ang presyo ng karne ng baboy at ilang klase ng gulay sa ilang palengke, base sa pag-iikot ngayong Martes, kasabay ng pagpapatupad ng panibagong oil price hike.

Sa Mega Q Mart sa Quezon City, tumaas nang P10 ang kada kilo ng karne ng baboy, na ngayo'y naglalaro na sa P350 hanggang P390, depende sa parte.

Ayon sa tinderong si Roberto del Mundo, halos hindi na sila makaubos ng paninda ngayon dahil sa taas ng presyo.

"Dati nakakadalawa. Ngayong kalahati lang. Mataas ang puhunan kasi. Kasi kahapon, may natira kaya itinitinda ko ngayon. Hirap na hirap na kami magbenta eh kaya kapag tumaas pa ulit 'yan, wala na," ani Del Mundo.

Bagaman sapat naman ang suplay ng baboy, apektado ng matinding init ng panahon ang pagkain ng mga ito kaya nababawasan din ang produksyon.

Tumaas din ang presyo ng ilang highland vegetables tulad ng repolyo, carrots, patatas at sayote.

Ayon kay Renato Bondoy, tindero ng gulay, sobra-sobra ang suplay ng gulay pero nasa P20 ang patong ng mga biyahero sa mga kalakal mula Benguet.

"Siyempre 'pag tumaas ang ginagamit ng mga biyahero, 'yong produkto nila itataas din po... doon nila kiukuha 'yong gastos sa petrolyo. Binabawi lang po," paliwanag niya.

Nanawagan naman sa gobyerno ang grupong Anakpawis na magpataw ng price control sa lahat ng produktong petrolyo dahil hindi pa nakakabawi ang mga magsasaka at mangingisda sa sunod-sunod na oil price hike noong mga nakaraang buwan.

Mahihikayat umano ng price control sa petrolyo ang ilang mangingisda na pumalaot muli matapos tumigil dahil sa pagmahal ng langis, ayon kay Anakpawis National Vice President Ariel Casilao.

Ngayong Martes, muling nagpatupad ang mga kompanya ng taas-presyo sa produktong petrolyo: P4.10 sa kada litro ng diesel, P3 sa gasolina, at P3.50 sa kerosene.

Mula Enero 1 hanggang Abril 26, umabot na sa P31.55 ang kabuuang iminahal ng kada litro ng diesel, P18.45 sa gasolina, at P25.05 sa kerosene.

RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.