3 labor groups nagpetisyon para sa wage hike

ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2019 09:21 PM | Updated as of Apr 27 2019 01:11 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Limang araw bago ang Labor Day sa Mayo 1, tatlong grupo ng mga manggagawa ang humirit na gawin nang P750 kada araw ang minimum wage sa buong bansa. 

Inihain ng mga grupo ang petisyon sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ng National Capital 
Region nitong Lunes, na layong bigyan ng dagdag-suweldo, benepisyo, at mas matatag na estado ng mga manggagawang Pilipino.

Kabilang sa mga nagpetisyon ang Kilusang Mayo Uno, Kilos Na Manggagawa, at Metal Workers Alliance of the Philippines (MWAP).

Giit nila, gawin nang P750 ang arawang sahod ng mga manggagawa sa buong bansa lalo't lahat ay naghihirap naman umano sa epekto ng inflation at serye ng pagtaas ng presyo ng petrolyo.

"Kahit bumaba na 'yung inflation rate hindi naman ito nangangahulugan na bumaba na rin ang presyo ng bilihin," sabi ni Jen Pajel, chairperson ng Kilos Na Manggagawa.

Kasalukuyang nasa P537 ang suweldo kada araw ng mga manggagawa sa NCR na tumaas noon lang Nobyembre. Ibig sabihin, P213 ang kailangang umento kung pagbibigyan ang petisyon.
    
"Du'n sa P537 na minimum wage ay pinagkakasya nila doon 'yung lahat ng gastusin sa araw-araw, lalo na pinopondohan nila 'yung pamasahe... Mas malaki sa kanila ang kawalan kung liliban sila," ani Julius Carandang, pangulo ng MWAP.

Wala pang tugon ang Department of Labor and Employment (DOLE) tungkol sa inihaing wage hike petition ng mga manggagawa.
    
Pero ang grupong Employers Confederation of the Philippines (ECOP) ay ipinagkibit-balikat lang ito.

"Live with reality... It's impossible na mangyari," sabi ni ECOP president Sergio Ortiz-Luis.

Ipinaliwanag din ni Luis ang dahilan kung bakit iba-iba ang minimum wage ng mga manggagawa kada rehiyon 

"For instance, in Samar, if the minimum wage is P750 a day, which company will go there to establish? In the province hindi ganu'n kalaki ang pamasahe," aniya. 

Kung igigiit ang umento, tatamaan daw ang mga pinakamaliliit na negosyante sa bansa, sabi ni Luis. 

Sa kasalukuyang sistema, itinatakda ang minimum wage sa bawat rehiyon ng mga regional board. 
    
—Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.