Brownout naranasan sa ilang lugar sa Luzon dahil suplay ng kuryente kinapos

ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2019 09:44 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naglabasan sa kani-kanilang mga bahay ang mga residente ng Barangay Obrero, Quezon City pasado alas-2 ng hapon ng Miyerkoles matapos makaranas ng brownout.

Biglang lumusong ang mga bata sa inflatable pool para hindi maramdaman ang init ng panahon.

"Sobrang init sa loob, walang ilaw eh... Baka atakihin pa kami ng high blood," sabi ng residenteng si Gil Santos.

Inilabas naman ni Marilou Taladtad ang kuna sa bangketa dahil mas presko raw ito para sa apo.

"Umiiyak po iyong aking apo, sobrang init sa loob eh," ani Taladtad.

Tuluyan nang kinapos ang suplay ng kuryente sa Luzon grid, dahilan para magtakda ngayong Miyerkoles ang Manila Electric Company (Meralco) ng tig-1 oras na rotating brownout sa ilang lugar na sakop nito hanggang alas-10 ng gabi.

Kasama sa mga lugar na maaari umanong makaranas ng brownout ang ilang bahagi ng Maynila, Quezon City, Caloocan, Mandaluyong, Makati, San Juan at Muntinlupa.

Pero maaaring hindi matuloy ang brownout kung sasapat ang suplay ng kuryente. 

"Kailangan lang talagang maging prepared just in case talagang magkaroon ng aberya," ani Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga.

Hindi kasi agad nakabalik online ang 2 plantang pumalya kasunod ng lindol na yumanig sa Luzon noong Lunes.

"Nadi-delay 'yong pagpasok ng mga power plant na naapektuhan ng earthquake," ani Energy Undersecretary Felix William Fuentebella.

Naitala ang sentro ng magnitude 6.1 lindol sa bayan ng Castillejos, Zambales, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, pero naramdaman ang lakas nito sa Metro Manila at ilang karatig-lalawigan. 

Bunsod ng pagpalya ng mga planta, nawalan din ng kuryente ang ilang electric cooperatives sa Luzon, kasama ang mga cooperative sa Pampanga at Batangas.

Sa tindi ng init at banta ng brownout, kaniya-kaniyang diskarte ang publiko para mapawi ang alinsangan.

May mga nagbalot ng yelo sa bimpong pinupunas sa katawan at mayroon ding tinapatan ang init gamit ang pamaypay.

Panawagan naman ng mga nakapanayam na residente na huwag sanang mawalan ng kuryente sa gabi para hindi mahirapang matulog sa tindi ng alinsangan.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.