Hindi na lang basta mahal ang karne ng baboy ngayon dahil sa ilang supermarkets, halos katumbas na ng minimum wage ang presyo nito.
Sa monitoring ng Quezon City Veterinary Office, umaabot na sa P479 ang presyo ng kada kilo ng pork belly, P485 sa pork steak, P495 sa ground lean pork, P505 sa pork chop skinless, at P539 sa baby back ribs.
"Noong may price ceiling, 'di pa rin tayo tumataas nang ganoon sa mga groceries, ngayon talaga na super," sabi ni Quezon City veterinarian Dr. Ana Marie Cabel.
"Hindi namin alam kung paano iko-control eh. Mino-monitor lang namin, nire-report lang namin pero wala namang aksiyon na nangyayari kasi eh," dagdag niya.
Ayon naman kay Philippine Amalgamated Supermarkets Association Preisdent Steven Cua, sana'y binabantayan din ng local government units (LGUs) ang presyo sa mga supermarket.
"Sana they could empower the LGUs, probably a few kagawads in the barangays na once in a while, 'di naman kailangang araw-araw, random, check lang sa supermarkets and probably send the reports to DA (Department of Agriculture) para at least they are aware of what’s happening," ani Cua.
Sa mga palengke naman, dumami ang umaabot sa P400 at P420 kada kilo ang liempo.
Dahil dito, may mga gaya ni Lino Tapala na unti-unti nang lumilipat sa pagbili ng mas murang imported na karne.
"Dapat 'yong sariwa pero 'pag 'yong mga binababad o adobo, puwede na rin 'yong frozen kasi mas mura," aniya.
Pero ayon sa Pork Producers Federation of the Philippines (ProPork), P240 kada kilo ang farmgate price ngayon at hindi dapat umabot sa P400 kada kilo sa merkado.
"Dapat ang presyo sa palengke, P350 to P370, hindi dapat umabot ng P400," ani ProPork Vice President Nicanor Briones.
Pinag-iisipan na ng DA na lagyan ulit ng suggested retail price ang baboy pero nag-iingat din ang ahensiya na hindi maagrabyado ang hog raisers at mga konsumer.
"Manipis na nga 'yong supply ng baboy, sinasamantala ulit ng mga traders 'yan," ani Agriculture Secretary William Dar.
"Bakit umaarangkada ulit sa P400, I don’t know," dagdag niya.
Muli namang iginiit ni Acting Socioeconomic Planning Secretary Karl Chua na sa pamamagitan ng executive order (EO) na nagpapababa sa taripa ng imported na karne, mapapababa ang presyo ng baboy sa merkado sa P215 hanggang P222 kada kilo.
Kasunod naman ng pagharang ng ilang senador at kongresista sa EO, na anila'y papatay sa lokal na industriya ng pagbababoy, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na madali lang naman bawiin ang utos.
"Madali lang man 'yan. It’s just a temporary measure really to bring down the prices, but the senators see it in a different light," ani Duterte sa talumpati noong gabi ng Lunes.
Samantala, aprubado na ng House committee on agriculture and food at House committee on trade and industry ang mosyon para gumawa ng substitute resolution para imbestigahan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng karneng baboy at iba pang pangunahing bilihin.
-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, agrikultura, baboy, pork, pork prices, supermarkets, Department of Agriculture, Pork Producers Federation of the Philippines, pork tariff, lower pork tariff, TV Patrol April Rafales, price ceiling