PatrolPH

Presyo ng bigas tumaas nang P2 sa ilang pamilihan, Kadiwa

ABS-CBN News

Posted at Apr 19 2023 05:47 PM | Updated as of Apr 19 2023 07:43 PM

Watch more News on iWantTFC

Tumaas nang P2 ang presyo ng bigas sa ilang pamilihan pati sa Kadiwa Stores ng Department of Agriculture (DA), base sa pag-iikot ng ABS-CBN News ngayong Miyerkoles.

Sa Kadiwa Stores, P40 na ngayon ang kada kilo ng bigas mula P30.

"Medyo nagtaas po nang kaunti ang ating mga bigas sa Kadiwa Store pero 'yong iba ganun din po same price," ani Ace Roman Antipolo, tindero sa Kadiwa Store.

Bumaba naman nang P10 ang kada tray ng itlog.

Wala namang paggalaaw sa presyo ng gulay at ibang bilihin:

  • Ampalaya - P70 kada kilo
  • Kalabasa - P30 kada kilo
  • Talong - P60 kada kilo
  • Okra - P60 kada kilo
  • Kamote - P60 kada kilo
  • Sili - P70 kada kilo
  • Calamansi - P100 kada kilo
  • Kamatis - P25 kada kilo
  • Sibuyas - P80 kada kilo
  • Bawang - P105 kada kilo

Sa Commonwealth Market sa Quezon City, P2 din ang itinaas ng pinakamurang bigas. 

Tumaas din kasi umano ang presyo ng mga supplier kaya walang magawa ang mga tindero kundi magtaas din.

Tumaas dun ang presyo ng bigas sa Murphy Public Market sa Quezon City.

Ayon sa tinderong si Von Ocbeña, halos lahat ng klase ng ibinebenta nilang bigas ay nagtaas nang P2 kada kilo dahil sa kakulangan ng supply.

"Pero sana bumaba na kasi nahihirapan na 'yong mga mamimili," ani Ocbeña.

Sa monitoring ng grupong Bantay Bigas, simula Enero, P5 ang sinipa ng presyo ng bigas.

Base naman sa pagbabantay ng DA ngayong Miyerkoles sa mga pamilihan sa Metro Manila, naglalaro ang presyo ng well-milled rice mula P39 hanggang P46 kada kilo.

Hindi naman naniniwala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magkakaroon ng krisis ng bigas sa bansa, na una nang sinabi ng Federation of Free Farmers.

Ayon kay Marcos, ang kanilang inaasahan ay mas mababang supply lamang ng bigas.

Pero ayon kay Marcos, posibleng mag-import ulit ng bigas upang masiguro na sapat ang supply bago ang pag-aani ng mga magsasaka.

"It is in the dry part where we are waiting for the last planting to be harvested. So ‘yun ang tinitingnan natin. We may have to import. So that’s... we’re keeping that option open," ani Marcos.

Humahanap din aniya ng paraan ang gobyerno para mapataas ang buffer stock ng bigas dahil hindi pinapayagan ang National Food Authority na mag-angkat ng bigas.

Samantala, matumal ang bentahan ng karneng baboy sa Commonwealth Market.

Ayon sa tinderong si William Rosal, dati'y 6 na baboy ang kanilang kinakatay at agad napapaubos pero nitong alas-12 ng tanghali ay hindi pa napapaubos ang 3 kinatay na baboy.

Nag-abiso rin umano ang supplier na posibleng tumaas nang P5 ang kada kilo ng baboy.

Bumaba naman ang presyo ng manok habang walang paggalaw sa presyo ng mga isda at gulay sa Commonwealth Market.

— Ulat ni Robert Mano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.