Paparating na sa bansa ang 100 containers na may 2.5 milyong kilo ng imported na karneng baboy, ayon sa Meat Importers and Traders Association (MITA).
Kapag natuloy na ipatupad ang Executive Order No. 128, na magmamandato ng 5 hanggang 10 porsiyentong taripa sa in-quote at 15 hanggang 20 porsiyentong taripa sa out-quote, ibebenta ito ng importers sa mga retailer sa halagang P200 kada kilo.
Huwag lang anilang haharangin ng Senado at Kamara.
"The deliberations or objections from Congress, Senate is creating confusion because the importers, alanganin na sila kasi baka biglang bawiin ng gobyerno itong mababang taripa," sabi ni MITA President Jess Cham.
May ilang tindera nang nag-umpisa magbenta ng imported na karne pero may mga hindi pa rin lumilipat, kagaya sa Trabajo Market, dahil mas tinatangkilik anila ng mga mamimili ang sariwa.
Sa Quinta Market naman, may agam-agam din ang ilang tindero na baka ang mga imported na karne ang maging sanhi muli ng pagkalat ng African swine fever (ASF) sa bansa.
"Kailangan din nating masigurado na 'yong maibabagsak nilang karne ay wala hong sakit na ASF," anang tindero na si Ricky Delgado.
Ayon sa National Meat Inspection Service (NMIS), nag-aangkat lang ang Pilipinas sa mga accredited na bansang walang ASF.
"NMIS and BAI (Bureau of Animal Industry) inspect farms, facilities, laboratories in foreign countries... ang kinatatakutan na lang natin ay 'yong mga smuggled, 'yong mga talagang hindi dumaan sa proseso," ani NMIS Spokesperson Orly Ongsotto.
"Mayroon 'yang certificate of inspection of imported meat," paliwanag ni Ongsotto.
Pero hindi raw sapat ang certificate, ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag).
"We saw in other countries na pre-chosen eh dumating sa kanila eh contaminated pa rin and dumating din dati rito sa Cebu... kailangan talaga i-test lahat ng dumadating," ani Sinag Chairman Rosendo So.
Samantala, suportado naman ng National Economic and Development Authority ang pagbaba ng taripa sa imported na karne.
Ayon kay NEDA Undersecretary Mercedita Sombilla, maliit na bahagi lang ng pangangailangan ng bansa ang matutugunan ng imported na baboy.
Malaki rin aniya ang matitipid ng mga konsumer sa mababang presyo ng imported na karne.
"Pinakamarami pa rin ay nanggagaling sa local production," ani Sombilla.
Kumpiyansa naman ang Malacañang sa mga desisyon ni Agriculture Secretary William Dar.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, igagalang ng pangulo sakaling bawiin ng Kongreso ang EO 128 na nagbaba sa taripa ng imported na karne.
-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, agrikultura, baboy, karne, pork, imported meat, Meat Importers and Traders Association, National Meat Inspection Service, Samahang Industriya ng Agrikultura, reduced pork tariff, pork tariff, TV Patrol, April Rafales, Sinag