Mahigit 3 dekada nang nagbebenta ng sariwang karneng baboy si Aurora Macapagal. Pero ngayon, nag-umpisa na rin siyang magbenta ng imported na karne dahil mas kumikita siya doon.
"Nahati na nga 'yong customer ko eh... Karamihan talaga nag-frozen na sila, lalo na 'yong mga may canteen na maliit," ani Macapagal.
Hanggang ngayon kasi, problema pa rin ng mga tindera ang matumal na supply ng sariwang karne at mahal na presyo nito, kompara sa frozen.
Sa Commonwealth Market sa Quezon City, halimbawa, nasa P250 ang kada kilo ng imported na kasim habang P300 naman sa liempo.
Mas mababa ito kompara sa P350 kada kilo na presyo ng sariwang kasim at P360 hanggang P370 presyo ng sariwang liempo.
Sa ibang palengke, umaabot na rin sa P420 kada kilo ang liempo.
Ayon sa Meat Importers and Traders Association (MITA), mayroon nang mga importer na nagbebenta ng nakatay na baboy na P200 kada kilo.
Mas mura umano ito kaysa sa sabit ulo ng sariwang karne na pumapalo mula P310 hanggang P340 kada kilo.
"The traders or the palengke or the vendors, they can come and buy the carcass, which is equivalent to sabit ulo, at P200 per kilo," sabi ni MITA President Jess Cham.
Nangako rin ang MITA ng paunang 100 container ng imported na karneng baboy. Katumbas ito ng 2.5 milyong kilo o 25,000 na piraso ng baboy na darating sa loob ng 2 hanggang 3 buwan.
Pero puwede anilang tumaas pa sa P200 kada kilo ang benta ng importers kung babawiin ang kautusang nagbababa sa taripa ng imported pork.
Sinabi naman ng Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag) na dapat nasa P185 lang ang kada kilo ng imported na karne sa palengke kahit nasa 30 hanggang 40 porsiyento ang taripa sa ngayon.
"Kinompute natin 'yong computation... Dapat P185. Kung bumaba 'yan ng 5 percent, dapat ang retail price is nasa P138," sabi ni Sinag Chairman Rosendo So.
Pinag-aaralan naman ng Department of Agriculture ang pagpapatupad ng suggested retail price sa lokal na sariwang karne.
-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, agrikultura, bilihin, konsumer, karneng baboy, kasim, liempo, imported meat, Meat Importers and Traders Association, Samahang Industriya ng Agrikultura, Department of Agriculture, TV Patrol, April Rafales, TV Patrol Top