Kuryente, sapat ngayong summer: DOE

Alvin Elchico, ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2017 03:42 PM

MANILA - Tiniyak ng Department of Energy (DOE) na sapat ang supply ng kuryente para sa buong summer.

Ayon sa DOE, bumalik na ang karamihan sa mga plantang bumagsak dahil sa lindol sa Batangas. 

Nasa 1,300 MW ang naibalik na supply matapos gumana na ang Malaya unit 1 at 2, Ilijan, Sta. Rita, San Lorenzo Unit 2 at mamayang gabi ang San Lorenzo unit 2.

May bagong planta rin ang San Miguel Corporation na magiging operational sa Abril 24. 

Dagdag pa ng DOE, normal na ang supply ng kuryente ngayong araw at umabot pa ng lagpas 1,200 MW ang reserbang kuryente.

Nasa 10,797 MW na ang kabuuang supply ngayong araw na sobra sa demand o pangangailangang 9,410 MW. 

"The figures are showing us na sasapat ang kuryente hanggang malampasan natin ang tag-init," sabi ni Energy Usec. Wimpy Fuentebella.

Pero nilinaw din ni Fuentebella na ang pagtiyak ng DOE ay uubra lang kung walang mga plantang babagsak na hindi naman nila kontrolado.

Sa kabila ng pagtiyak nito na sapat ang supply, umaapela pa rin ang DOE sa mga consumer na ipagpatuloy ang pagtitipid sa kuryente. 

Ayon sa ahensya, hindi porke't sapat na ang supply ng kuryente ay pwede nang gamitin ang lahat ng appliances na pampalamig dahil sa tumitinding init ng panahon.

Ito daw ay para maiwasan ang pagtaas ng demand para sa kuryente, at para na rin makatipid ang mga consumer sa kanilang electric bill.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.