May pagkakataong magbago sa pagnenegosyo

ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2019 12:11 PM | Updated as of Apr 16 2019 12:13 PM

 

Sa edad 19 years old, maagang namulat si Neil Mark Madrid sa pagtatrabaho.

Tuwing hapon sa Navotas Fish Port, isa siya sa mga kabataang nagkukumpulan sa isang sulok para maglinis ng mga tahong na sariwang nakuha sa ilalim ng dagat.

Isa lamang ito sa iba pang pinagkakakitaan ni Neil Mark simula nang siya ay magdesisyong magbagong-buhay.

Humigit-kumulang isang taon ring nalulong sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot si Neil Mark.

Namatay sa komplikasyon sa sakit ang kaniyang ama kaya naman nang yumao ito, labis ang kaniyang kalungkutan dahil malapit siya dito.

"May mga taong gumagamit diyan (sa lugar nila) ng marijuana. Nakita ko tapos na-engganyo ho ako." kuwento ni Neil Mark sa My Puhunan.

Nang maupo sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 at ilunsad ang "War on Drugs", isa ang pangalan ni Neil Mark na napasama sa watch list ng Navotas City Police Station.

Dahil dito at sa tulong na rin ng kaniyang ina, sumuko si Neil Mark at sumailalim sa Nurture and Educate Surrenderees towards Transformation program ng Navotas PNP.

Ayon kay Police Lieutenant Pamela Leal, sumasailalim ang mga drug surrenderees ng kanilang lugar sa iba't ibang mga aktibidad para unti-unting maalis sa katawan ng surrenderee ang bawal na gamot na kanilang ginamit.

Dagdag pa dito, tinutulungan rin sila na muling maibalik ang kanilang tiwala sa sarili sa tulong ng paniniwala at pananalig sa Panginoon.

Para sa kanilang tuloy-tuloy na pagbabago, lumapit ang kanilang grupo sa My Puhunan para naman magkaroon ng ideya kung paano magnegosyo.

Nitong April 03, isinagawa ng My Puhunan ang Kabuhayan Caravan sa Navotas City Police Station na dinaluhan ng ilan sa mga drug surrenderees at kanilang mga kamag-anak.

Sa mga may maliliit nang negosyo at nais namang malaman ang serbisyo ng gobyerno sa negosyo, nagbahagi ng mensahe si Edwin Pasahol ng DTI Small and Medium Enterprise Bureau.

Limang resellers package naman ng pagbebenta ng ice candy ang ipinagkaloob ni Mike Gatbonton sa mga drug surrenderees.

Kaalaman sa basic hair cutting at libreng gupit sa piling attendees naman ang ginawa ng grupo ni Edwin Lisa.

Espesyal na training sa paggugupit rin ang ibinahagi ni Edwin para kay Neil Mark. 

Bukod pa rito, dahil isa siyang batang ama at may asawa, negosyo sa pagpapaganda naman ang ipinagkaloob sa kaniya ni Mawi Conferido.

May second chance sa tulong ng pagnenegosyo. Sa tulong ng My Puhunan Kabuhayan Caravan, nawa'y magsilbing daan ito para malayo na sila sa dati nilang buhay at unti-unting makaramdaman ng ginhawa para sa pamilya.


Panoorin ang MY PUHUNAN tuwing Sabado, 6:30am at tuwing Martes ng gabi, 9:30pm sa DZMM TeleRadyo at pagkatapos ng Bandila sa ABS-CBN.

Sundan ang My Puhunan online:
Microsite: news.abs-cbn.com/MyPuhunan
Facebook & Twitter: @MyPuhunan
Instagram: @mypuhunantv

Panoorin ang My Puhunan online:
www.IWANT.ph (within PH)
www.TFC.tv (outside PH)
www.youtube.com/abscbnnews (episode highlights)