Mag-ipon ng tubig para sa Holy Week water interruption: Maynilad

ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2019 05:11 PM

Pinayuhan ng Maynilad ngayong Martes ang mga kostumer nito na mag-ipon ng tubig para sa Semana Santa kasabay ng mga pagkukumpuning magdudulot ng service interruption. 

Simula Martes, Abril 16, hanggang Sabado, Abril 20, magkakaroon ng "water network enhancement activities" na magdudulot ng pagkawala ng tubig sa ilang lugar sa Manila, Malabon, Navotas, Valenzuela, Quezon City, Parañaque, Pasay, Las Piñas, at Bacoor sa Cavite, ayon sa Maynilad.

Maaaring tumagal ang service interruption ng 5 hanggang 30 oras, sabi ng water concessionaire. 

"As much as possible, store water in containers that have covers," sabi ng Maynilad sa pahayag. 

(Hangga't maaari, mag-ipon ng tubig sa mga lalagyang may takip.)

Nagpaalala rin ang Maynilad na linisin muna ang paglalagyan ng tubig bago gamitin para maiwasan ang kontaminasyon.

Makikita sa website ng Maynilad ang buong listahan ng mga apektadong lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.