Wala nang extension sa paghahain ng income tax returns, ayon sa BIR

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2021 04:40 PM

Kakaunti ang mga personal na sumadya sa tanggapan ng BIR para sa paghahain ng ITR. ABS-CBN News

MAYNILA - Muling nagpaalala ang Bureau of Internal Revenue na wala nang extension ang deadline sa paghahain ng income tax returns or ITR.

Ayon BIR hanggang Huwebes nalang ang deadline para sa pagpapasa ng ITR.

Hindi na maaring ma-delay pa ang pangongokleta ng buwis mula sa ITR dahil kailangan ng gobyerno ng karagdagang pondo para sa mga programa laban sa COVID-19.

Layunin ng ahensya na makalikom ng P2.08 trillion.

Una nang naglabas ang BIR ng Revenue Memorandum Circular number 46-2021 noong unang linggo ng Abril na nagsasaad ng deadline na April 15, 2021 para sa paghahain ng Annual Income Tax Returns o AITR para sa taxable year na hanggang December 31, 2020. 

Ang mga nakapaghain na ng kanilang tentative returns ay maaring magkaroon ng corrections na walang multa bago dumating ang ika-15 ng Mayo.

Maari ring humingi ng refund ang taxpayer kung sobra ang naging bayad na pwedeng ma-credit sa mga susunod na pagbabayad ng buwis.

Para sa hindi personal na makakapunta sa opisina ng BIR, mayroong mga bangko kung saan maaring magbayad. Nakatulong din ang online filing sa pagpapadali ng proseso.

"Mas gumanda na po kasi ngayon 'yung sa online filing. Kaya yung iba po lalo 'yung malalaking kumpanya mas gusto nilang magfile thru online. Mas minabuti po ng District Officer namin na dito na lang sa labas para open air po siya," ayon sa revenue officer na si John Frederick Oro.

Mahigpit namang ipinatutupad ang physical distancing at iba pang health protocols sa mga opisina ng gobyerno.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.